Lazada Philippines

SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Financial Literacy Para sa Ating mga Chikiting
NEXT TOPIC: Maaari Ka Nga Bang Kumita Kahit Natutulog?



Ang dapat na title ng artikulong ito ay Ang Isa sa Pinakamahalagang Kayamanan na Dapat Mayroon Ka. Kaya lang sobrang haba (which is bad for my blog’s SEO) kaya iniklian ko na lang.

Anyways, malamang e nainip ka ng sobra dahil medyo matagal din akong nawala. At marahil nag-isip rin kayo ng ilang araw kung anong kayamanan ang tinutukoy ko na dapat ay mayroon tayo sa nakaraang artikulo ko (“Financial Literacy Para sa ating mga Chikiting”). Anong klaseng yaman naman ba ang hula mo? Ginto? Pera? Alahas na may mahahalagang bato? Investments? Hinde… hindi materyal na bagay ang tinutukoy ko. May mga kayamanang “intangible” o hindi mo basta maku-kwenta. Maituturing mo ring kayamanan kasi yung magagandang ala-ala, karunungan, at marami pang iba.

“Hoy Green Stickman™, late ka na nga nag-release ng artikulo mo e nambibitin ka pa, ano ba talaga yan ha kuya?”

Oo na, oo na , nahabaan ka na ba agad sa introduction ko? (Ang ikli pa lang a!) O siya hindi na kita bibitinin. Ang isa sa mga kayamanan na dapat ay mayroon ka ay ang (drum rolls please…) … Mabuting KALUSUGAN (ja-raannn!). Sabi nga di ba sa kasabihang Ingles: “Health is Wealth!”. (May mga humula na “Health Insurance and Protection”, pero hindi yung ‘insurance’ ang kayamanan na pinupunto natin kundi yung mismong HEALTH.) Aanhin mo nga naman ang maraming pera kung every week ka naman kini-chemo-therapy? Aanhin mo ang malaking sweldo sa Middle East kung pag-uwi mo naman sa Pinas e may bitbit ka ring pasalubong na MERSCoV(Middle East Respiratory Syndrome – Corona Virus)? Mabuti kung makakauwi kang buhay, e paano kung iuwi ka na lang na naka-kahon? As in “tsugi”. Meron akong kakilala na nagtrabaho sa Middle East. At dahil mukhang mahal pa ata ang tubig kaysa langis, ayun bihira siya uminom ng tubig. Nagkasakit sa bato and eventually, noong umuwi ng Pinas e may sakit na siya sa bato at kinakailangan na ng matinding dialysis and sad to say, namatay rin siya after ilang years. Meron akong kilala na marunong at matalino na nakapagtapos ng kolehiyo pero hindi niya nagamit ang edukasyon na tinapos niya dahil nagkasakit din siya at eventually ay namatay din.

Ano ang punto bakit ko sinasabi ang mga ito? Simple lang naman, anong pakinabang ng pera mo sa iyo kung lahat ng ito ay mauuwi lang lahat sa pagpapagamot mo (and worse pampalibing)?

Ito ang ilan sa mga hindi madalas maisip at isinasawalang bahala ng iba. Ang focus ng iba e kumita ng kumita ng pera. Never they realize na unti-unti siyang pinapatay ng trabaho niya at napapabayaan ang mga kalusugan nila.


Sige, Overnight at Shifting pa!…


Ito’y isang paalala lang para sa mga nagta-trabaho ng panggabi. Isa sa mga pinakamalaking community na affected nito ay ang mga kababayan nating nagta-trabaho as Call Center Agents, yung mga nasa IT industry na madalas maghabol ng project deadline, yung mga factory workers na nasa production lines ng mga manufacturing companies, ang mga nagta-trabaho ng panggabi sa mga hospitals, at mga security guards na naka-duty ng panggabi (well yun e kung hindi siya natutulog talaga habang nasa post niya. Naalala ko tuloy yung pelikula ni Jimmy Santos dati na para hindi siya nahalata e nag-drawing siya sa talukap ng kanyang mga mata ng nakadilat na mata. Para kahit tulog siya e nakadilat pa rin. Hahaha… I Love You 3 Times a Day ata ito, di ko sure…)

Huwag sana kayong mawili sa pagtangkilik ng mga inuming nagbibigay ng artificial na lakas gaya ng Lipovitan, Cobra, Red Bull, Extra joss at Sting. Baka sumobra ang kulang mo sa tulog (akalain mong pwede pa lang gamitin ng sabay ang salitang “sobra” at “kulang” sa isang sentence. Hehe…) , at yung mga kinita mo e mapunta lang sa pampagamot (o pangpa-rehab? Para ka na rin kasing adik na bangag nun e). Tandaan mo, meron tayong tinatawag na “body clock”. Alam kasi ng katawan natin kung kailan siya matutulog lalu na kung oras na talaga ng pahinga.

At dahil may kinalaman sa kalusugan ang topic natin ngayon, siguro talakayin na rin natin yung tungkol sa isa sa mga ikinakaltas sa payslip mo every month. Ano yun? Hindi ko sigurado kung lahat ay mayroon nito sa kanilang payslips, pero ang tinutukoy ko ay yung PHILHEALTH deductions sa salary mo. Kung medyo maganda ang kumpanya dito sa Pinas, nagbibigay rin sila ng Health Insurance Benefits kagaya ng MEDICard, Maxicare, Intellicare, at marami pang iba bukod sa PhilHealth deductions. Mamaya, tatalakayin natin kung paano natin ma-ma-maximize ang paggamit natin ng mga ito sa oras na kailanganin mo na ito.

health is wealth ad 1

May Philhealth ka na ba?

Teka, may Philhealth ka na nga ba? Ano nga ba muna yung Philhealth?

Kung nandito ka sa Pilipinas at wala kang pangbayad o namamahalan ka sa mga health insurance package gaya ng mga binanggit ko kanina, ang isang affordable option na pwede mong gawin para magkaroon ka ng financial assistance para sa hospitalization mo ay ang pagpapa-myembro sa Philhealth.

Alam niyo ba na more than 85% ng National Population ang member ng Philhealth? Kung hindi ka pa myembro maigi magpa-myembro ka na rin. Kahit hindi ka namamasukan bilang empleyado, pwede ka namang mag-voluntary contribution na lang.


Magkano ang pagpapa-member sa Philhealth?


Napaka-mura lang maging myembro ng Philhealth, kailangan mo lang ng 2,400 pesos para sa isang taong proteksyon mo. Ibig sabihin kailangan mo lang ng 200 pesos kada buwan sa paghuhulog. Well, depende rin ito kung magkano ang sinasahod mo. Kung sumasahod ka ng mas mataas sa 35,000 pesos kada buwan, nasa 6,000 pesos kada taon o nasa 475 pesos kada buwan ang pinakamataas na pwede mong ihulog (Personally sinilip ko ang payslip ko at ang deduction sa akin ay eksaktong 437.50, hindi ko alam kung may maliit na bahagi ang kumpanya namin sa pagbabayad ng Philhealth ko). Ang mga sinabi ko dito ay para sa mga employed. Paano sa mga self-employed?

Sa mga self-employed, kailangan mong magpa-register under “Informal Economy” at kailangan mong magbayad ng premium sa any Philhealth office or bayad centers na accredited nila. Kung kumikita ka ng 25,000 pesos pababa, pwede kang magbayad ng quarterly (every 3 months) ng 600 pesos. Pero kung above 25,000 pesos ang kita mo, ang hulog ng quarterly ay nasa 900 pesos naman. Kung nakakaluwag ka, pwede mo naman bayaran na agad ito ng semi-annually or annually na.

Kung OFW ka o kaya naman e dating OFW na nag-balik-bayan, pwede ka pa rin magpa-member ng Philhealth. Huwag mo i-small-in ang benefits nito sa iyo kahit gaano pa ka-big time ang tingin mo sa sarili mo. You can never tell kung kailan darating ang mga matinding dagok ng buhay gaya ng malubhang karamdaman. Maaaring malakas tayo ngayon at sagana, pero pwede rin na magkasakit naman tayo kinabukasan.


Ano naman ang coverage ng pagiging active member ng Philhealth?


Sa mga in-patient, kasama mo ang Philhealth sa pagbabayad gaya ng subsidy of hospitalization cost, subsidies for room and board, medicines at mga professional fees ng mga Philhealth accredited physicians or doctors. Oo, tama yung nabasa mo. Hindi lahat ng doctor sa isang PhilHealth accredited hospital e accredited din ng Philhealth as well. May mga doctors na hindi accredited ng Philhealth kaya huwag kang mabibigla kung minsan e magbabayad ka ng wala discount ang doctor. So mabuti, tanungin mo na rin agad yung attending physician mo kung Philhealth accredited ba siya para hindi ka magulat kung sakaling sumingil siya ng mas mahal sa inaasahan mo.

Kung ma-confine ka ng isang buong araw (at least 24 hours kasi ang condition) dahil sa injury or sakit, katulong natin ang Philhealth para mabawasan ang bayarin mo. At sa loob ng isang taon, mayroon kang 45 calendar days allowance para sa hospital room and board (Pero syempre mas okay na hindi mo na lang ito gamitin di ba? Mahirap kayang ma-ospital…ehhehe…) bilang principal member. At ito ang maganda, kung may mga dependents ka, at ma-hospitalize sila, may bukod silang 45 calendar days allowance for hospital room and board na pwede nilang paghati-hatian. Hindi mababawasan yung sa iyo bilang principal member. Cool di ba? Kaya kung halimbawa isa sa inyo e dina-dialysis (
Huwag naman sana…) ang bawat isang treatment ng dialysis ay katumabas ng isang 1 calendar day treatment. So ibig sabihin, mayroon kang 45 treatments sa loob ng isang taon na pwede kang tulungan ng Philhealth.

Pero bago ka mag-avail ng mga benefits na ito, make sure na nakabayad ka ng at least 3 monthly premiums within the immediate 6 months prior to the month of confinement. Para sigurado, make sure na nakabayad ka ng 9 months sa loob ng isang taon. Baka naman makipag-away ka sa ospital na dapat may discount ang hospital bill mo e 1 month ka pa lang nagbabayad. Hehehe…. Ano ka? Sobrang sinu-suwerte?

Sa ngayon nga, may bago ng programa at payment mechanism ang Philhealth sa pagbabayad ng expenses as a “package”. Halimbawa nito ay ang package payment sa cataract surgery. Ngayong taon ng 2014, ang makukuhang assistance ng isang operasyon ng isang matang may katarata ay 16,000 pesos kada mata. So bundled na ito as a “package” na.

So kailangan i-verify ng pasyente kung ang paying coverage ba ay “as a PACKAGE” (kagaya nung example natin sa cataract surgery) o di kaya naman ay “as a FEE for Service” (kagaya ng sample natin na may discounts sa bawat items ng hospital bill). Kadalasan depende ito sa sakit na meron ang pasyente. At kadalasan, ang hospital na mismo ang magsasabi kung anong klase ng coverage ang kayang sagutin ng Philhealth sa mga babayaran mo.

Green Stickman™ Tips about your Philhealth

  1. Tandaan ang Philhealth ay isang social insurance. Kahit magkano ang contribution mo, you’ll get the same list of services and coverage.
  2. Para maging active paying member ka ng Philhealth, dapat ay at least 21 years old ka. Bilang principal member, sakop nito ang mga anak mo na below 21 ang edad o anak na may “congenital disabilities”. At sakop din nito ag mga magulang mo na at least 60 years old ang edad. So don’t forget to DECLARE your dependents. Hindi kasali ang mga biyenan o “in-laws” mo dito okay? Sobra na yun. Hehe…
  3. Kung hindi mo man sila na-declare sa MDR (Member Data Record) mo, pwede din naman na mag-submit ka ng any proof of dependency, then of course, update mo na rin yung MDR mo.
  4. Make sure na yung hospital na papasukan mo ay may signage na “Philhealth Accredited”. Kita mo agad yun sa pinto pa lang or main entry ng hospital. Makikita mo ito kasama ng nagdudumilat ng logo ng Philhealth sa harap ng hospital.
  5. Tanungin mo si Doc kung covered or accredited ba siya ng Philhealth as well. Otherwise, babayaran mo ang talent este professional fee niya.
  6. Kung meron kang private health insurance (halimbawa offered ng company mo), tandaan mo, any health insurance will always come after Philhealth. Dapat covered ka ng Philhealth by default, and on top of it,dapat magamit mo pa rin yung private health insurance mo. Hindi ito double coverage, pero dapat mong malaman na may Philhealth na nakapaloob sa isang private health insurance dahil karamihan sa mga nag-o-offer ng ganitong private health insurance, nire-require nila na ang mga members na mag-a-avail ay dapat na member din muna ng Philhealth.
  7. Bago ka magpa-discharge (or kung sino man sa mga dependents mo) make sure na mayroon ka ng 2 mahalagang documents na ito: Duly accomplished Philhealth Claim Form 1 at clear copy ng iyong MDR.
  8. Make sure din na bago ka lumabas ng hospital ay naka-deduct na ang mga dapat na naka-deduct (o entire Case Rate amount) sa iyong hospital bill.
  9. Kung sobrang hirap mo (o may kakilala ka) at wala kang pangbayad ng Philhealth, pwede ka pa rin maging member ng Philhealth at pwedeng ang manglibre sa’yo ay ang gobyerno natin. Kailangan lang e ma-identify ka ng DSWD at mapasama ka sa mga listahan nila para makasama ka naman sa mga tutulungan ng gobyerno para maging Philhealth member ka. (Ginagawa ito ng mga kababayan nating mahilig mag-anak na walang pambayad sa hospital.). Pero kung kaya mo naman magbigay ng 200 pesos sa loob ng isang buwan, huwag ka ng magpapasan sa gobyerno natin.
  10. Kung may mga gusto pa kayong malaman tungkol sa Philhealth, pumunta lang kayo sa kanilang official website na www.philhealth.gov.ph

health is wealth ad 2

Tandaan, walang kwenta ang karunungan, kapangyarihan, pera at kayamanan kung wala ka namang buhay. Hindi bale na walang masyadong pera basta may malusog naman tayong pangangatawan at walang nagkakasakit sa ating mga mahal sa buhay. At huwag tayong makalimot na manalangin sa Dios gabi at araw na bigyan tayo ng buhay at kalakasan dahil Siya lang ang pwedeng magdugtong sa atin ng buhay. Hindi natin pwedeng sabihin sa Dios na:

“Panginoon, marami akong pera, babayaran kita, dugtungan mo lang ang buhay ko.”

Obviously, hindi niya kailangan ng pera o kahit anong material na yaman. At kung sa doctor mo naman sabihin na:

“Doc, marami akong pera, babayaran kita kahit magkano, dugtungan mo lang ang buhay ko.”

Baka sagutin ka ng doctor mo ng:
“Sorry po, hindi ako Dios para gawin yun.”

Ngayon, alam mo na ba kung ano ang isang napakahalagang kayamanan na dapat ay mayroon ka? Kaya ingatan mo ang iyong kalusugan. Kumain ka ng healthy foods, magkaroon ng healthy diets at mag-exercise tayo araw-araw. Hindi masama na gumastos ng 60 pesos sa gym kada araw. At kung magpe-premium membership ka sa mga gym, make sure na hindi “front” lang ang pagpapa-member mo.

Remember, an apple a day… is 7 apples a week! Este, … Keeps the doctor away!

Sa susunod na artikulo, pag-uusapan naman natin ay ang tungkol sa pagre-relax… Ang matipid na pagbabakasyon!

Kung nag-enjoy po kayo sa aking mga akda at financial advises, at kung sa tingin mo ay karapat-dapat itong i-share at malaman ng mga tao, share mo naman sa mga kaibigan mo sa Facebook at Twitter sa pamamagitan ng pagpindot sa mga buttons na ito:

Ooops, bago ko malimutan, in case na nagustuhan ninyo ang artikulong ito, at gusto niyo pang maka-tanggap ng mga artikulong may sense na kagaya nito, input nyo lang po ang inyong e-mail address sa form na nasa ibaba at si Green Stickman™ na po ang bahalang magpadala sa inyo ng mga updates.


SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Financial Literacy Para sa Ating mga Chikiting
NEXT TOPIC: Maaari Ka Nga Bang Kumita Kahit Natutulog?


May tanong ka ba o gustong idagdag? Post mo lang dito:(Kung ayaw ma-post, pwede ka pa ring mag-post sa pinaka-ibaba ng article na ito.)


Is this post helpful? If it does, please help me to publish quality articles like this. Send some donation to keep this website alive by clicking the button below:

Be a Green Stickman™ fan. Click my Facebook "like" Button Here:
To all the people who clicked the "LIKE" button of my Fan Page, THANK YOU VERY MUCH! :D