Read the English Version of this article: Investing in a Mutual Fund
Lazada Philippines

SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Ang Pag-i-invest sa UITF
NEXT TOPIC: Stocks 101

Kagaya ng UITF, isa rin ito sa mga bank products na gustong-gustong malaman ng marami, ang Mutual Fund. Ang kadalasang tinatanong sa akin ng mga nanghihingi ng advice ay ano daw ba ang pinagkaiba ng dalawang bank product na ito.

Bueno, pag-usapan na natin ang Mutual Fund. Bago ko ipaliwanag ang pinagkaiba ng dalawa, mabuti alamin na muna natin kung ano ba ang Mutual Fund.


Ano ang Mutual Fund?


Narinig mo na ba yung term dati ng mga magkaibigang ewan na hindi nila alam kung “sila” ba o hindi? Oo M.U. yung tawag nila dun. Short for “Mutual Understanding”. Teka, hindi ako sa Joe D’ Mango, at hindi love life ang pag-uusapan natin. After lang ako dun sa salitang “Mutual”. Pero hindi GF o BF ang magiging ka-M.U. natin bilang investor kundi ang investment company. Ka-M.U. natin sila in terms of funds. Kaso hindi gaya ng mag-syota, may ibang ka-MU si investment company. Ka-MU rin niya yung mga kagaya mong investor na gustong bumili ng kanyang parte o “share” sa fund.

Ang salitang “Mutual” ay pwede nating i-translate sa salitang “common”. So, yung mutual fund, para madali lang maintindihan ay gaya rin ng salitang “common funds”. Dahil ang pondong ito ang common share point ng mga taong gustong sumali at mag-invest. Kaya sa pagsali sa Mutual Fund, ang binibili mo talaga ay yung halaga ng “share” mo sa common funds na yun. Sa teknikal na usapan, ang Mutual Fund ay isa ring open-ended fund kung saan pwedeng bumili ang mga investors ng kanilang “share” sa nasabing funds na siya namang pinamamahalaan ng isang lisensyado at professional na fund manager. Ito ay ibinibili ng iba’t iba at maraming securities depende sa investment objective ng nasabing fund. Ang mutual fund ay isang pondong “instantly diversified” at maaari ka na magsimula, depende sa banko sa halagang 5,000 hanggang 10,000 pesos lamang. Pero bago ka makapagsimulang mag-invest sa isang mutual fund, kailangang mag-consult ang isang investor sa isang lisensyadong mutual fund representative o financial advisor. Ang mga financial advisor na ito ang mag-a-assist sa iyo at sa kanya mo rin iku-kwento ang mga financial life goals mo (Mas makabubuti kung nabasa mo na yung artikulo kong “Ang Pag-pa-plano ng iyong Financial Life Goals”). Kapag narinig nila ang kwento mo, at ang mga balak mo sa buhay, malalaman na nila kung anu-ano ang iyong mga financial needs, ang iyong risk appetite at ang iyong investment horizon (Tinalakay ko ang mga ito sa aking artikulong “Investment 101”). Sa pamamagitan nito ay makakapagpayo sila kung ano ang “appropriate” o nababagay na mutual fund para sa iyo.
investment 101 advise 1


Ang mga uri ng Mutual Funds

May 4 na uri ang Mutual Funds:

  1. Money Market Funds - Ang pondo ay ini-invest sa mga short-term debt instruments na hindi lalampas ng isang taon. Kung ikaw ay isang “conservative” na investor, dito nababagay na ilagay ang pera mo.
  2. Bond Funds - Ang pondo ay ini-invest o pinapautang sa mga government bond securities at maging sa sa mga korporasyon (corporations). Gaya ng Money Market Fund, bagay din ito sa mga “conservative” type na investor.
  3. Balanced Funds – Ang pondo ay ibinibili ng kalahating stocks at kalahating deposits o kaya ay bonds. Para naman ito sa mga “moderate” type na investors.
  4. Equity Funds - Ang pondo ay binibili at sinasali lahat sa stocks market. Ito ang may pinakamalaking risk pero siya ring may pinakamalaking returns of investment. Bagay na bagay naman ito sa mga investors na “aggressive” ang risk profile.


Paano Kumikita ang Pera mo sa Pag-i-invest sa Mutual Fund?


Gaya ng UITF, walang pinapangakong future returns of fixed income ang isang Mutual Fund. At dahil hindi ito isang deposit, hindi rin ito sakop ng PDIC in case na malugi ka.

Kung bumili ka ng share sa isang mutual fund, makikita mo sa certificate mo kung ilang NAVPS meron ka. Ang NAVPS ay ang Net Asset Value Per Share. So kung halimbawa bumili ka ng share na ang halaga ay 100,000.00 pesos, at ang presyo ng isang “share” ay piso o 1 peso. Magkakaroon ka rin naman ng 100,000 shares sa nasabing fund. Halimbawang lumipas ang 2 taon at ang NAVPS ay naging 1.4 ang halaga, at naisipan mong i-convert na sa cash ang pera mo, yung 100,000 na shares mo ay i-multiply mo sa nasabing NAVPS. Parang ganito: 1.4 x 100,000 = 140,000 pesos. Ibig sabihin sa loob ng 2 taon, kumita ng 40,000 pesos ang pera mo ng wala ka naming ginagawa. Cool di ba?
Pero kung halimbawa, after 2 years ay naging 0.8 ang halaga ng NAVPS mo, ang halaga na lamang ng shares mo ay: 0.8 x 100,000 = 80,000 pesos
Ibig sabihin, nalugi ka ng 20,000 pesos. Yan ang hindi cool…

(Base sa data natin sa taas, pwede nating i-summarize sa table na ito:)

Date NAVPS Amount No. of Shares Profit or Loss
PURCHASE (June 06, 2012) 1.00 P 100,000.00 100,000 N/A
REDEEM (June 06, 2013) 0.80 P 80,000.00 100,000 -20%
REDEEM (June 06, 2014) 1.40 P 140,000.00 100,000 +40%



Pero huwag kang mag-alala dahil Professional naman ang Fund Manager na ina-appoint ng isang investment company para mamahala ng fund. At sisiguruhin niya na kikita ang pera mo basta huwag ka lang magpa-panic at magtiwala ka sa Financial Advisor o Financial Planner mo. (Pag yung Financial Planner mo ang nag-panic, yun, matakot ka na. Hehehe…). Kung gusto mong makasiguro na hindi ka matatalo, ito ang magandang tip: Kung sasali ka sa isang Mutual Fund, make sure na hindi mo huhugutin ang pera mo for at least 5 years. Makikita mo na kahit tumaas o bumaba ang presyo ng NAVPS mo, panalo ka pa rin. So the longer you hold your investment, mas malaki ang chance for better returns. Bigyan mo lang ng “time” na lumaki ang pera mo.


Management Fees ng Isang Mutual Fund


Ang management fee ng isang mutual fund ay depende sa uri ng fund na pinasukan mo.

  1. Money Market Funds – 0.5% to 1.0% ng asset value ng pera mo.
  2. Bond Funds – 1.0% to 2% ng asset value ng pera mo.
  3. Balanced Funds – 2% ng asset value ng pera mo.
  4. Equity Funds – 2% ng asset value ng pera mo.

Bukod dito ay mayroon ding iba pang charges ang Mutual Fund na kung tawagin nila ay “front-end load” at “back-end load”.

Yung front-end load ay gaya ng entry fee. Magbabayad ka pagbili mo pa lang ng shares sa naibigan mong fund. Ang halaga ng front-end load o entry fee na ito ay depende sa amount ng pera mo. Kung ang pera mo ay less than 100,000 pesos, may entry fee ka na 2%. Kung ang amount ay nasa 100,000 hanggang 1,000,000 pesos, ang entry fee ay nasa 1.5%. Kung 1 Million to 5 Million pesos ang pera mo, may entry fee ka na 1.0%. At kung ang pera mo ay higit sa 5 Million pesos, ang entry fee mo ay nasa 0.5%.

Ang back-end load naman ay gaya ng exit fee. Magbabayad ka naman sa oras na huhugutin o iri-redeem mo na yung pera. Kung hinugot mo agad ang pera mo ng wala pang isang taon, may exit fee ka na 5% ng net asset value ng pera mo. Kung 1-2 years, ang exit fee ay 4% ng net asset value ng pera mo. Kung 2-3 years ay3% ang exit fee. Kung 3-4 years ay 2% ang exit fee. Kung 4-5 years, 1% ang exit fee. At kung more than 5 years, WALA ng exit fee. Ang saya di ba? Kaya mas okay talaga na iwan mo ang pera mo sa kanila ng at least 5 years.

Siya nga pala, sa mga front-end load at back-end load na ito, ay exclusive pa dito yung 12% na VAT. Isa ito sa mga dapat mong itanong sa Financial Adviser kung ano ang mga load options ng fund na binibili mo. Dahil baka ma-shock ka pag nalaman mo na may mga “hidden” charges pala yung nagustuhan at nabili mong shares ng isang mutual fund.
mutual fund ad 1

………………………………………………………….
Ngayong may idea na tayo kung ano at paano kumikita ang isang mutual fund, maaari na nating paghambingin ang dalawa.


Mutual Fund vs UITF


Mukha bang familiar yung 4 na klase ng Mutual Funds? Oo, tama ka, halos pareho lang sila ni UITF. E kung magkahawig lang sila, ano naman ba ang pinagkaiba ng dalawang ito? At tutal nag-level-up ka na noong nabasa mo yung sa UITF (Kung hindi pa puwes bumalik ka muna at basahin mo ang tungkol sa Pag-i-invest sa UITF), mas madali nating maiintindihan ang Mutual Fund kung iaagapay natin o ihahambing natin ito sa ibang bank product gaya ng UITF.

Gaya ng sinabi ko, parehas na pondo ang pinag-uusapan sa Mutual Fund at UITF. Pero may ilan silang pagkakaiba. Anu-ano yun?

  1. Presyo ng NAV – NAVpu Vs. NAVps
    Natatandaan mo ba yung NAV? Ang NAV ay yung Net Asset Value o yung “netong” halaga ng nabili mong pondo. At dahil ang pinag-uusapan sa Mutual Fund ay “shares”, tinawag nila itong NAVps o Net Asset Value per share. Samantalang sa UITF, “units” ang pinag-uusapan kaya tinawag nila itong NAVpu o Net Asset Value per unit. Pero in concept, ke NAVpu o NAVps pa yan, parehas lang itong tumutukoy sa kanilang respective funds.
  2. Fund Managers
    Ang namamahala ng isang mutual fund ay isang full-time professional fund manager na inilagay o pinili mismo ng investment company. Samantalang sa UITF, ang pondo ay pinapamahalaan ng fund manager mula “Trust Group” (natalakay ko na rin ito sa Pag-i-invet sa UITF) ng isang bangko.
  3. Fees
    Ang isang mutual fund ay maaaring magkaroon ng entry fee o exit fee at management fees. Ibig sabihin, kung bibili ka ng share, at ang mutual fund na sinalihan mo ay may entry fee, magbabayad ka muna. Parang yung terminal ng mga Van at FX taxis na “bayad muna bago sakay”. Ang exit fee naman ay fee na pinapatong sa investor sa oras na mag-redeem na siya ng kanyang share at ikinonvert niya sa cash ang share niya. Parang jeepney naman, “bayad muna bago baba”.

    Samantala, ang UITF naman ay may tinatawag na trust fee.

    Ang mga entry at exit fee ng mutual fund at ang trust fee ng UITF (depende sa type ng investment) ay karaniwang nagkakahalaga ng mga 0-2% ng net asset value ng pera mo.

  4. Offerer
    Sino ba ang nagbibigay ng chance para makapag-invest ka? Ang Mutual Fund ay ini-o-offer ng isang investment company na pinapadaan nila sa bangko.Sa pag-a-acquire mo ng share ng isang kumpanya, nagkakaroon ka rin ng ilang “rights” gaya ng pagtanggap ng mga dibidendo (dividends) gaya ng pagiging stocksholder ng kumpanya.
    Samantalang sa UITF, units lang ng pondo ang binibili mo at hindi ang mismong pondo ng shares ng kumpanya. Kaya wala kang “shareholder rights” di gaya ng mutual fund.
  5. Sales Agent
    Ang ahente ng isang mutual fund ay kinakailangan Certified Investment Solicitor. Ang lisensyang ito ay nanggagaling sa SEC para makapagbenta ang isang ahente ng mutual fund. Samantalang sa UITF, hindi na necessary ang license. Kaya pag bumili ka ng UITF, hindi rin masyado nae-explain ng ilang tao sa bangko kung ano ang mga nakapaloob sa binibili mo maliban na usisain mong maigi sa kanila at magtanong ng magtanong.
  6. Applicable Law
    Ang mutual fund ay nasa ilalim ng batas na: “Investment Company Act of the Philippines”. Ang UITF naman ay nasa ilalim ng “General Banking Law” lang ng Pilipinas.
  7. Regulating Body
    Ang mutual fund ay nire-regulate ng SEC o ng Philippines Securities and Exchange Commission. Samantalang ang UITF ay nire-regulate ng BSP o ng Banko Sentral ng Pilipinas.



Maaari nating i-summarize ang pitong major differences na ito sa table na nasa ibaba:

Mutual Funds UITFs
Price NAVPS NAVPU
Fund Manager Appointed by the investment company Trust Group of the bank
Fees Management Fee, Entry Fee; Exit Fee Trust Fee
Offerer Investment Companies Banks
Sales agents Must be certified Investment Solicitor No license necessary
Applicable Law “Investment Company Act of the Philippines” “General Banking Law”
Regulatory Body SEC BSP



Paano bang Sumali sa Isang Mutual Fund?


Gumawa na ako ng isang bukod na artikulo para malaman kung papaano mag-open o mag-invest sa isang Mutual Fund. Pwede mong mabasa ang buong detalye dito: “Papaano Mag-open ng Isang Mutual Fund Account?

At kung di pa rin sapat ang inilagay ko sa artikulong ito, pwede nyo po akong kausapin at mag-send ng inyong message sa aking official na FB page. Pero syempre kailangan niyo muna i-LIKE ang aking page. Just click this link. Matutuwa po akong matulungan po kayo para makapagsimula at maalalayan kayo upang magkaroon din naman po kayo ng inyong sariling Mutual Fund investment.

Hanggang dito na muna ang usapan natin tungkol sa mutual fund. For sure ay nag-level up ka na naman pagkatapos nong mabasa ang mga nakasulat sa artikulong ito. Sa susunod na artikulo ko ay tatalakayin naman natin ang tungkol sa pag-i-invest sa Stocks.

Kung tingin mo ay karapat-dapat itong i-share at malaman ng mga tao, share mo naman sa mga kaibigan mo sa Facebook at Twitter sa pamamagitan ng pagpindot sa mga buttons na ito:

Kung may katanungan kayo tungkol sa pag-i-invest sa Mutual Fund o di kaya naman ay may gusto kayong idagdag para sa ikabubuti ng kapwa nating mga Pinoy, mag-comment lang po tayo sa baba ng artikulong ito (Ngayon ay pwede na rin po kayong mag-comment sa artikulong ito gamit ang inyong Facebook account).

Tandaan natin na ang pag-i-invest ay hindi lang para sa mayayaman. At kung gaano kahirap na kitain ang pera, ganoon din naman kahirap na itabi at palaguin ito.

Ooops, bago ko malimutan, in case na nagustuhan ninyo ang artikulong ito, at gusto niyo pang maka-tanggap ng mga artikulong kagaya nito, input nyo lang po ang inyong e-mail address sa form na nasa ibaba at si Green Stickman™ na po ang bahalang magpadala sa inyo ng mga updates.



SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Ang Pag-i-invest sa UITF
NEXT TOPIC: Stocks 101


Is this post helpful? If it does, please help me to publish quality articles like this. Send some donation to keep this website alive by clicking the button below:

Be a Green Stickman™ fan. Click my Facebook "like" Button Here:
To all the people who clicked the "LIKE" button of my Fan Page, THANK YOU VERY MUCH! :D