SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Matutong Mamaluktot Kahit Mahaba Ang Kumot
NEXT TOPIC: Ang Pagtatayo ng Sariling Negosyo



Sobrang bilis ng pagbabago at pag-unlad ng technology pagdating sa communication. Mula sa land line telephones, nag-evolve ito into cellular phones na may kakayahang mag-call, mag-text at pati na rin mag-internet.

Kasabay ng mabilis na pag-unlad ng technology sa communication na ito, ay nag-moderno na rin ang panglolokong ginagawa ng mga scammers. Hindi sila nagpapahuli at nag-a-upgrade din sila ng mga skills para makapangloko ng kapwa.

Ang tatalakayin natin ngayon ay tungkol sa mga financial scams na madalas gamitin sa mga panahong ito. Ginawa ko ang artikulong ito upang magsilbing WARNING sa lahat ng ating mga kababayan upang hindi na kayo mapasama sa mga bilang ng kanilang mga mabi-biktima, lalu na ang mga kababayan nating OFWs.

Nagkalat ang mga manloloko ngayon. At pagdating sa pangloloko at panglalamang, napaka-creative ng ating ilang mga kababayan Well yung iba ay kopya at hango sa estilo ng mga pang-i-iscam ng mga taga ibang bansa (gaya ng nigerian scam). Ilan sa mga ito ay ang:

  1. Investment Scams
  2. Text Scams
  3. e-Mail Scams
  4. Internet Job Scams
  5. Networking Scams
  6. Hybrid Scams


Investment Scam


Unahin muna natin yung mga classic na investing scams. Sa scam na ito, nangangako ang scammer ng “double your money in 30 days“. So kung maglalabas ka ng 50,000 pesos, sa loob ng 30 days ay magiging 100,000 ang pera mo! At ang makulit, “Guaranteed and No Risk” daw pag sumali ka. Aba matinde. Nadaig pa yung legit na stock trader. Pag nag trade ka sa stocks and equity, high risk na yun e. Siyempre, magkakaroon ka lang ng high returns kung high din ang risk. Pero sa mga scammers, ang binibida ng mga ito e High returns, but NO risk? Oh come on… There’s no such thing mga kababayan. Walang legal na investment na “double your money in 30 days!”.

Ang isang halimbawa nito ay yung nangyari sa Pagadian City noong 2007 na “Bond” investment daw from FrancSwiss. After ilang years lang din ito at ayun na, natuklasan ng mga members na Ponzi Scheme type ang Investment niya.


Ano ba yung Ponzi? Nakakain ba yun?


Hindi pagkain ang Ponzi (Baka Pochi yung alam mo). Ang Ponzi Scheme ay nanggaling sa hayup na si Charles Ponzi (Sorry, hayop talaga yung nabasa mo. Hindi ko kasi ma-consider na tao yung mga kagaya niya e.) na nambiktima ng maraming tao ilang taon bago mag-”1920″. Lumang style na no? Pero hanggang ngayon e may gumagamit pa rin nito para makapangloko ng kapwa. Effective e.


Paano ba yung Ponzi Scheme?

Ganito yan, may magpapakilala sa iyo at aayain kang mag-invest sa isang investment na malaki at sigurado ang kikita. Hindi niya sasabihin sa iyo kung ano ang specific na product at saan dadalhin ang pera pag tinanong mo siya. Basta ang gusto niya e makipag-meet sa’yo in person para dumalo ka ng “mass orientation”. At sa meet-ups na ito, magsasalita ang speaker ng mga bagay na kukuha ng interest at attention mo. Kadalasan, sinasabi ng isang speaker na myembro rin siya at isang investor din na ang layunin ay i-share ang biyayang meron siya ngayon para kumita ka din ng malaki. Ipa-paradam niya na kaya siya nagshe-share ay dahil nagke-care siya. Tapos iku-kwento niya kung paano siya nakaahon sa hirap dahil sa investment na ito. At pakikitaan ka niya ng mga pictures na meron na siyang bagong bahay at bagong sasakyan para lalu kang maniwala. At habang nakikinig sa kanya, mararamdaman mo na ikaw naman e nakanganga at nangangarap na maging gaya niya at magkaroon ng mga bagay na pinagyayabang niya (HOY! GISING!).

At pag sobrang na-attract ka na sa mga pangako ng high returns, hihingan ka na ngayon ng membership fee. At pag naging member ka rin nila, ang una nilang ipapagawa sa iyo e ang maghanap ng additional member o “investor” sa grupo.
Oo. Ang Ponzi scheme ay isang “RELATIONSHIP Selling”. Recruit ng recruit ng bagong members. Bakit kamo? Dahil doon nanggagaling yung pangpasahod ng mga naunang members ng grupo. At malaki ang chance na yung mga sinasahod mo sa mga unang linggo ng pagsali mo e galing din sa perang binayad mo habang wala pa kayong nare-recruit na bagong myembro. Kadalasan ang Ponzi scheme ay parang pyramid. Ang sahod ng mga nasa itaas ay nanggagaling sa mga membership fee na nanggagaling sa mga nasa ibaba. At pag wala ng ma-recruit o di kaya naman ay nahuli na ng mga authorities na illegal ang activity ng grupo, BOOM-Panes! Lahat ng mga nasa ilalim ang unang-unang magrereklamo dahil hinding hindi na nila mababawi yung inilabas nilang pera.

Ilan sa mga kilalang investment scam companies ay ang mga sumusunod: (umiwas kayo kung may ganito pa kayong naririnig sa lugar ninyo):

  1. FRANCSWISS
  2. DEUTHCFRANCS
  3. LEGACY
  4. MULTITEL
  5. MATEO MANAGEMENT HOLDINGS
  6. TIBAYAN GROUP INVESTMENT
  7. PERFORMANCE INVESTMENT PRODUCTS CORPORATION

Sa kasayasayan ng pangloloko, milyong Pilipino ang nabiktima ng mga ito at alam nyo kung magkano? At least 50 Billion pesos lang naman… Ang nakakainit ng bungo, ang mga nabiktima nito ay yung mga matatandang tao na ang ginamit na pera para sumali ay yung perang nakuha nila noong sila’y magretiro sa trabaho o yung kanilang mga retirement benefit.

Hanggang ngayon may mga nabubuo pa ring mga ganito. At yung iba naman ay nakatago sa mga MLM na tatalakayin natin mamya sa Networking Scams.
financial scam ad 1

Text Scams


May nagtext sa iyo na nagsasabing nanalo ka. Ikaw naman si tanga, excited ka naman na ma-claim yung prize. Teka muna, nanalo ka daw? E may sinalihan ka ba? Dito pa lang kaduda-duda na. Meron bang nanalo sa isang raffle draw na hindi naman sumali o tumaya? Parang ganito yung sinasabi ko:

“We are glad to inform you that you have won P650,000 thru PGMA. Claim ur prize, call now. I’m Atty. Garey B. Aquino from BSP Info Department. DTI Permit #3920.”

Maaaring sabihin ng isang nakatanggap ng text: ” Ah RANDOMLY selected yung mobile number ko Sir Green Stickman™. At may DTI permit number pa o..Saka Attorney yung nagpadala. Si Garey B. Aquino kaya mukhang totoo.”

Wow, tingnan mo nga naman, pangalan pa lang ng attorney e talaga namang pinag-isipan. Iha/Iho, kaya ko ring mag-random select ng mobile numbers. Ngayon din ay papanalunin ko ang may ari ng mobile number na 0919 3670030 (Kung ikaw ang may-ari nito, oo nanalo ka ng 1,000,000 piso mula kay Green Stickman™!) tawagan mo lang ako para malaman kung paano i-claim yung premyo, kaya lang kailangan mo ring hulaan ang gamit kong mobile number. Ang lagay ba e ako lang ang huhula? Hulaan mo din, nahulaan ko yung iyo e.). Kaya ko ring mag imbento ng DTI permit number “series of 2014”. At ako nga pala si Attorney Green… Atty. G. for short. hehe…

Ang nakakalungkot, sa kabila ng obvious nitong modus, may nabibiktima pa rin ang mga walanghiya. At ang kadalasang nabibiktima pa ay yung mga may edad na. Ang ilang halimbawa ay yung mga text na nagpapakilalang ang text ay galing “kuno” sa office of the President na ang tawag ay “Handog Pangkabuhayan Program”. Meron ding Raffle from Bangko Sentral ng Pilipinas at pati na Philippine Charity Sweepstakes! Iwas po tayo sa mga text scams na gaya nito.

Isa pang pakulo ng mga Pinoy text scammers ay yung Balikbayan Box Pasalubong Scheme. Magte-text siya ng parang ganito:

“Kuya kamusta na kayo dyan? Ito na ang bago kong roaming number. May papadala akong package dyan uwi ko sa inyo. Bahala na kayo….(blah blah…)
…(at biglang change topic…) padalhan mo ko ng load sa number na ito at hindi na ko makakatext. Bayaran ko na lang pagbalik ko dyan sa atin. Ngayon na ha. Thanks!”

May pangpadala ng package pero pang-load wala? Minsan nakakatuwa patulan yung mga text scammers na ito. Kung wala kayo time makipag-asaran, wag mo na lang pansinin yung mga ganitong text.

Ah meron pang isa, yung FREE Health Insurance at FREE Scholarship.
FREE….FREE… Well dahil mga Pinoy ang maraming scammer sa text, alam na alam syempre nila na mahilig ang kapwa nila Pinoy sa FREE. Libre e. Ikaw na ang magka-free college at free health insurace. Huwag mong patulan ito, dahil sure na pagdating mo sa venue ay kung anu-anong ‘show’ ang makikita mo sa opisina para ma-convince ka na maglabas ng pera. Bibigyan ka pa ng mga freebies, certificates at discount cards na hindi mo magagamit dahil malililmutan mong may ganun ka palang mga cards sa wallet.

Huwag kayong pupunta dito, minsan na kong pumatol sa ganito kaya alam ko. Nagsisisi ako na nasayang yung 6 hours ng buhay ko na sana ay ginugol ko na lang sa mas kapaki-pakinabang na bagay. Kung sa bagay, hindi na rin pala nasayang, at least isa akong buhay na patotoong scam nga yang ganitong scheme. Saan ka naman kasi nakakita ng Free scholarship na ibabawas sa credit card? Paanong naging FREE? E di pag hinulugan mo yun ang gamit ang card mo, e niloko mo lang ang saril mo.

Ang isang halimbawa nito ay yung text messages na nagpapakilalang taga Caritas daw sila. Ganito ang sample ng text nila:

“Good day! Avail of our CARITAS HEALTH CARD without MEDICAL EXAM. with FREE 4 sets of INSURANCE, 5yrs COVERAGE FREE and MONEY BACK GUARANTEE! For more dails just text your COMPLETE NAME,AGE and LOCATION look for MR. JEFF DY,thanks and God bless.”

Tandaan ninyo mga kapatid, hindi magbibigay ng kung anu-anong freebies ang mga yan kung wala silang makukuhang pera mula sa iyo.

Minsan nga habang naglalakad ako sa Makati, may nagtanong sa aking lalaki kung saan daw ba yung Caritas kasi may ke-claim daw siya na free health card, sabi ko “Kung pupunta ka diyan, ingat ka kasi scam yan”. Hindi ko alam kung natauhan siya sa sinabi ko o kung tumuloy ba siya. Pero bakas ko sa kanyang mukha ang disappointment. Sino ba naman ang di madi-disappoint kung hindi ka naman taga Makati at lumuwas ka pa di ba? Kaya ingat kayo sa mga ganito. Alam ko minsan na ring nabanggit ni Kris Aquino na maging ang pangulo, oo si P-Noy ay naka-receive ng kalokohang text message na ito. Kaya ngayon ay may warning na rin sila. Buti nga sa kanila.


e-Mail Scams


Marami ring nagkalat na scam sa mga e-mails. Dito naman ay may nagsasabi na nanalo ka sa online lotto. Inuulit, ko, hindi ka pwedeng manalo kung hindi ka naman tumaya. Sinong kamote ang magbibigay sa iyo ng 1 Million Dollars aber kung ni isang kusing e wala ka naman inilabas?

Ah mayroon pa pala, may mga modus din na nagpapakilala siyang siya daw ay isang prinsesa at naghahanap siya ng mapagbibigyan niya ng pera. At ikaw ang maswerteng recepient… blah…blah… Kapatid, pag naloko ka pa ng ganitong pantasyang kwento e karapat-dapat lang sa’yo yung salitang “tanga”. Hindi lang ikaw ang sinendan niyan at hindi siya naka-address sa’yo alone. Alam mo yung BCC? (Sa mga hindi nakakaalam, ang BCC sa e-mail ay yung tinatawag na Blind Carbon Copy. Pag CC, Carbon Copy bukod sa pinagpadalhan ng e-mail (TO) ay may kopya ka (CC). Yung BCC hindi mo alam kung sino pa yung ibang pinadalhan ng kopya pero as if sa’yo lang naka-address (kung walang laman yung TO at CC)

Iwas tayo sa mga mails na ganito. Meron ding modus na nagpapakilala yung sender na taga Microsoft siya, taga-facebook, taga yahoo etc. At pagkatapos ay manghihingi ng mga personal details mo. Huwag kang magbibigay ng kahit anong details pag nakaka-receive ka ng mga ganitong mail. Baka sa susunod na pag-login mo e na-hack na yung account mo at madamay pati ang financial account mo. `(May ginawa akong artikulo kung paano natin maiingatan ang ating financial accounts. Maigi basahin mo din ito: “Ang Pag-iingat sa Iyong Financial Accounts)


Internet Jobs and Making Money Online Scam


Naghahanap ka ng trabaho na may malaking sweldo halimbawa e sa Singapore. May mga website kagaya ng ay nagpo-post ng mga bogus na trabaho. Malalaman mong bogus dahil sobrang “so good to be true” ng laki ng sahod. At pagkatapos ay hihingan ka nila ng pera. Hello? Kaya ka nga naghahanap ng trabaho para magkapera di ba? Tapos eto ang website na nag-po-post ng jobs na bibigyan ka “daw” ng trabaho pero kailangan mo maglalabas ng pera? Weird di ba? Mag-ingat kayo sa ganito dahil marami ring nabibiktima ang mga ito maging sa iba’t ibang bansa na naghahanap ng trabaho. Check niyong mabuti kung legit ba yung job site na tinitingnan ninyo.
Ganoon din sa mga bogus na websites na nagsasabi kung paano ba kumita online. Basta tandaan mo lang na kapag hinihingan ka na ng details ng iyong credit card, exit ka na agad sa site na yun.


Networking Scam


Sa lahat ng gumagamit ng Ponzi scheme, ito ang mahirap i-determine. Bakit? Kasi may front silang mga products na mukhang legit naman. Karaniwan ang mga networking scam ay gumagamit ng MLM?


Ano ba ang MLM?


Minsan nagba-browse ako ng groups sa Facebook, may nakita akong group na ang pangalan ay “MLM” daw sila… Tiningnan ko yung meaning ng acronym: Multy Lebel Marketing. Napa-”WHAAAT???” ako in a high pitch and high tone. Ano ‘to??? Samahan ng mga jejemon na nagtuturo ng tungkol sa MLM na ni hindi alam kung ano ang tamang spelling ng Multi-Level Marketing? Kung sa spelling pa lang ay sablay na. yung definition pa kaya ang hindi sumablay? At isipin mo na lang kung anong tinuturo at pinapaliwanag (Mas bagay ata yung salitang “pinapalabo” kaysa “pinapaliwanag”) nila sa mga myembro ng group na yun tungkol sa MLM. Ang nakakalungkot ilang libo rin ang myembro ng group na yun. Oo, libo, ganun karami ang naloko ng group na yun. Lungkot di ba?

Balik tayo sa paksa, gumagana ang MLM sa paggamit ng mga uplines at downlines. At kikita ang bawat myembro sa pamamagitan ng pag-re-recruit. Okay sana ito at magandang marketing strategy para magkaroon ka ng maraming sales. In fact ang mga make-up companies gaya ng AVON at AMWAY ay gumagamit ng strategy na ito. Pero bakit hindi sila nabibilang sa scam companies? Kasi naka-focus sila sa mismong product at hindi sa pag-re-recruit o relationship selling.

Tandaan ang mga networking scam companies ay umaasa lamang sa kita primarily mula sa mga MEMBERSHIP FEEs ng myembro at hindi sa SALES ng kanilang mga products. Kaya kapag hindi na sila maka-recruit, at walang kita sa product SALES, dito na nagsisimulang umalog ang ilalim ng pyramid. At pag tumigil na nga at wala ng ma-recruit, magko-collapse ang pyramid. Ayun, similar sa Ponzi scheme.

“E Green Stickman™, kumikita naman ako buwan buwan sa sinalihan kong MLM a. Registered din sila sa (Securities and Exchange Commission). May mga artista at politiko pa ngang sumali at nag-e-endorso. Paanong naging scam yung sinalihan ko?”.

Una, dapat mong isipin na walang magaling na scammer na hindi niya paniniwalaing totoo ang sinasabi niya. Gagawin niya ang lahat ng kanyang magagawa para magmukhang totoo ang ini-endorso niya para maka-recruit ng members. Yung artista, wala namang paki ang mga yan basta babayaran sila. At tandaan mo, hindi guaranteed na legal ang business ng isang kumpanya kahit naka-rehistro pa ito sa SEC. Sinasabi lang ni SEC na: “Oo nag-e-exist nga yang kumpanya na yan dahil kasama siya sa aming listahan”. Pero sa totoo lang, hindi gina-guarantee ng SEC na legal nga ang business nila.

At tungkol naman sa sahod, similar ito sa ginagawa sa sinabi ko tungkol sa Ponzi scheme.


Hybrid: Internet scam + Networking scam + Ponzi Shceme + ….


Napaka-creative talaga ng ibang scammers. Ngayon na mas madali na ang communication, ginagamit na rin nila ang social networking sites para makapangbiktima. Nagkalat ngayon sa Facebook ang mga pictures ng myembrong nakapamaypay ng pera o di kaya naman ay pictures ng mga myembrong nakatabi sa isang bagong kotse.

May mga linya pa silang:
“Nasa Facebook ang kasagutan para yumaman…”
o kaya,
“Kahit di ka maniwala, kikita ako..”
o kaya,
“Pagod ka na ba sa pagiging OFW?…”

Oo… sobrang dami nilang nabibiktimang mga OFWs dahil alam nila na sa lahat ng may pera, sila ang pinaka-vulnerable o madaling biktimahin dahil marami sa kanila ang hindi financially literate.

Meron pa akong nakita na ang produkto daw nila e nagtitinda sila ng e-book. Hello? E-book? Sinong mga buyers ng e-book na yun aber? E karamihan ng “tindang” sinasabi nila e pwedeng i-download ng libre sa internet. To be specific, I am talking about SWA. And I can say na halatang halata na gumagamit ang SWA ng Ponzi scheme. In fact hindi isa, dalawa o tatlo ang tinanong kong nabiktima ng grupo na ito. At marami tiyak, ang naging myembro nito na hindi aamin na nabiktima sila dahil malamang e nahihiya sila. Yung ibang miyembro naman, aminado na sa recruitment lang kumikita ang grupo nila, pero wala silang pakialam so long na may pumapasok na pera sa account nila.

Marami pang mga MLM sa internet na nagtitinda umano ng kung ano-anong digital products. Kunwari may Freebies ka na matatanggap once na naging member ka. Pero ang dahilan kaya may “produkto” ay para maitagong mabuti yung Ponzi scheme sa likod nito.

Ah, siya nga pala, may worse pa sa SWA, yung UPWARM.BIZ. Bakit worse? Dahil ito e walang kahit anong product talaga as in pure relationship selling! Digital PONZI! Mag-ingat po sana kayo at huwag kayong magpa-biktima sa mga ito mga kababayan.

financial scam ad 2

Green Stickman™ Tips para maiwasan ang mga Financial Scams

  1. Bakit maraming sumasali sa investment and networking scam? 3 bagay lang ang nakikita ko. Katamaran. Sobrang takaw sa pera. At ang kakulangan sa kaalamang pang-financial.

    Kaya huwag kang tamad! Kaya nga “Hard-earned” money ang tawag di ba? Pinaghihirapan yun. Huwag kang magmadali sa pagyaman. At magbasa ka ng mga artikulo ni Green Stickman™para maging financial literate at hindi ka mapasama sa mga bilang ng mga nai-i-scam.

  2. Pag pinangakuan ka ng “No Risk” investment, “very high risk” ang katumbas niyan. There is no such thing as “no risk” when it comes to business. Wala ring totoong investment na “Double your money in 30 days”. So good to be true ang return na 4.5% per day. Para makasiguro ka, ikumpara mo ang pangakong investment rate sa return ng similar investment na may parehong time frame o di kaya ay ikumpara mo ito sa Treasury bill rate.
  3. Kung investment o networking investment, alamin niyo muna mabuti ang details ng counter party, products, services at affiliated government agencies ng sasalihan ninyo bago niyo ibigay ang pera. Pag naibigay mo na yan, malamang e wala ng bawian yan.
  4. Sa mga internet scams, ang kadalasang nabibiktima ay yung mga credit card holders. Kaya huwag na huwag kayong sasali sa mga investments sa internet na ang pagkukunan ng pera ay sa iyong credit card. Mahirap at malaking abala pa naman ang magpa-cancel ng payments sa credit card lalu na kung recurring payments ito.
  5. Kung may nag-text o nag-e-mail sa’yo na nanalo ka ‘kuno’ sa isang lottery, raffle, at mga katulad nito, huwag mong patulan. Madali lang malaman kung totoo ito, kapag hiningan ka ng kahit anong pera kesyo pambayad ng tax, entry fee, etc, sure na sure scam yan. Nanalo ka na nga e, e di ibawas nila sa premyo yung mga kung anu-anong fees saka ka nila tawagan. Atsaka obvious naman na scam, paano kang nanalo e wala ka naman sinalihan? Hello?
  6. Tandaan, lahat ng promotional offers from DTI ay nanggagaling sa 3 or 4 digit (e.g. 2177, 4266) numbers. Kung may na-receive ka ng nasabing promotional offers pero ang gamit ay 11 digit mobile number, personal number yan, so scammer nga yan kapatid. At pwedeng pwede ninyong i-verify ang Sales Promo Permit Number sa website mismo ng DTI.
  7. Nakakairita minsan yung ibang text scammer dahil minsan hindi sila makuntento sa text, tumatawag pa. Kaya pag may tumawag sa’yo na UNKNOWN number, wag mo basta sagutin. Cancel mo yung call. Text ka muna ng “I am on a meeting, who’s this?”. Kung kaibigan mo o kamag-anak mo yan, sigurado akong magrereply at magpapakilala yan lalu na kung emergency. Pag walang response, scammer yan. Pero huwag mo muna i-block yung number at baka kamag-anak mo nga yan, naubusan lang ng load. Haha… Maging listo dahil ang unang target ng mga yan ay ang ma-”engange” ka sa pakikipag-usap.
  8. Kung nanghihingi ng load ang text scammer, pagbigyan mo. Reply-an mo siya ng ganito:
    “Ito na po yung pin ng load nyo: ############# – #########
    Paki-scratch na lang po.”.
    Isa lang sa 2 bagay ang pwede niyang gawin sa’yo. Hindi na siya mag-reply o kaya murahin ka niya sa next SMS niya sa iyo. Okay lang yun, at least nakaganti ka man lang sa pamamagitan ng pang-aasar. haha…
  9. Kung may makita kang ads na may larawan ng taong nagpapaypay ng pera, 90% Scam yan. Que Facebook Ads, o ads na galing sa internet, wag kang basta magtitiwala sa nakikita mo. Nagbabadya na yan ng Ponzi Scheme maniwala ka.
  10. Kahit pa may proof na mga checks, may picture pa ng mga kotse, at may kasama pa silang mga kilalang tao gaya ng mga artista. Sabi ko nga, huwag kang maniwala basta basta sa mga nakikita mo. Ginawa nila yun ng ganun para mas convincing at mas maka-attract sila ng pwedeng i-recruit.
  11. “E kumikita naman ako, paanong naging scam?” Hindi naman ibig sabihin na kung kumita ka e legal na yung sinamahan mo. Kumikita rin yun nagtitinda ng shabu di ba? At malamang yung sinahod mo sa unang 2 buwan e galing din sa perang inilabas mo. Binigyan ka ng cheke, pero galing din sa membership fee na binayaran mo. Bravo… Bravo… (slow clap…)
  12. Simple lang naman ang paraan para malaman mo kung yung MLM yung inaalok sa’yo o hindi. Tanungin mo yung nag-aalok sa’yo kung magkano na ang kinita niya sa pagbebenta ng produkto nila (kahit ano pang klaseng product yan). Tapos tanungin mo kung magkano naman ang kinikita niya sa pagre-recruit ng members. Siyempre dapat may proof ng mga resibo para ma-validate mo kung totoo nga yung sinasabi niya. Kung makita mo na mas malaki pa yung kita niya sa pagre-recruit kaysa sa kita niya sa “direct-selling”, kabahan ka na. PONZI yan, maniwala ka.
  13. Sa internet, para ma-assure ninyo kung scam o bogus ba ang website, pwede ninyo gamitin ang site kagaya ng scamadviser.com
  14. Maganda ring bisitahin yung website ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Sa website ay mayroong “advisory” portion para maging aware at hindi tayo maloko ng mga text scams, fraudulent commercial documents, etc
  15. Kung nakaranas kang mabiktima ng alinaman sa mga scams na ito, huwag kang mahiyang i-share upang hindi na sila makabiktima pa.

Mabuti ang mag-isip ng ibang pagkakakitaan. Pero huwag kang mag-iisip na manglamang ng kapwa para lang magkapera. Oo mahirap ang buhay ngayon pero hindi ito dahilan para mangloko tayo. Lumaban tayo ng parehas sa mga taong nagta-tiyaga at nagta-trabaho ng marangal. Ang problema ng marami, sobrang nagmamadali sa pagyaman. Kaya kahit hindi na legal ang pinagkakakitaan, hala sige pa rin. Wala pakialam yung iba kung maka-argabyado ng tao basta ang mahalaga sa kanya e kumita.

Hanggang dito na lang muna. Sana ay may natutunan at napulot kayong mga bagong bagay mula kay Green Stickman™.

Tandaan mahirap ang kumita ng pera. Kaya i-check mong mabuti ang sasalihan at pag-i-investan mo nito at baka ma-scam ka.

Kung nag-enjoy po kayo sa aking mga akda at financial advises, at kung sa tingin mo ay karapat-dapat itong i-share at malaman ng mga tao, share mo naman sa mga kaibigan mo sa Facebook at Twitter sa pamamagitan ng pagpindot sa mga buttons na ito:

Ooops, bago ko malimutan, in case na nagustuhan ninyo ang artikulong ito, at gusto niyo pang maka-tanggap ng mga artikulong may sense na kagaya nito, input nyo lang po ang inyong e-mail address sa form na nasa ibaba at si Green Stickman™ na po ang bahalang magpadala sa inyo ng mga updates.


SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Matutong Mamaluktot Kahit Mahaba Ang Kumot
NEXT TOPIC: Ang Pagtatayo ng Sariling Negosyo


May tanong ka ba o gustong idagdag? Post mo lang dito:(Kung ayaw ma-post, pwede ka pa ring mag-post sa pinaka-ibaba ng article na ito.)



Is this post helpful? If it does, please help me to publish quality articles like this. Send some TIPS to keep this website alive by clicking the paypal button or sending Bitcoins to BTC address below:
paypalbtc
3HwMMYfNSWYSCa7fPtBoWKtW8mt9i6cpoe
btc
Click the QR Code or text above to copy the BTC Address.


OR better if you could support this website by buying my book (This is available both on paperback and e-book version)! A true Green Stickman avid reader would definitely have this one. Limited copies only for the paperback! So make sure to grab your copy.