Lazada Philippines
SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Bibili Ka Ba ng Bagong Car o 2nd Hand na Lang?
NEXT TOPIC: Matutong Mamaluktot Kahit Mahaba Ang Kumot

Isang tipikal na sitwasyon na sa mga Pilipino ito. Dahil nga marami sa ating mga kababayan ang walang emergency fund, marami din tuloy ang mga agad na umuutang sa kani-kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan kapag may dumarating na “emergency” sa kanilang buhay. Hindi naman masama ang umutang at magpautang. Hindi masama ang umutang kung marunong kang magbayad, at hindi masama ang magpautang kung hindi mo naman pinipighati sa laki ng interest yung umuutang. Baka naman mataas pa sa “five-six” ng bumbay ang patubo mo pag nagpautang ka, e maawa ka naman.

Speaking of “five-six”, alam nyo ba kung bakit “five-six” ang tawag sa pautang ng Bumbay? Papautangin ka niya ng 500 pesos, at kailangan mong ibalik ang utang mo pero 600 pesos na ang halaga. Ibig sabihin, tubo agad si pareng Bumbay ng 100 pesos. Kung kukunin natin ang interest rate ni pareng Bombi:

interest = (percentage/ base) x 100

interest = ( 100/500 ) x 100
Ang interest ni pareng Bombi ay tumataginting na…. (drum rolls please….)
interest = 20%

20%! Kaya pag umutang ka ng 5k, ang balik nito ay 6k. Kung umutang ka ng 10k, ang balik nito ay 12k. Ayos diba? (Pag di ka na makabayad, takutin mo si Bumbay na susumbong mo siya sa Immigration. Haha… Joke lang.)


Naranasan mo na bang mautangan?

Kung isa kang OFW at nag bakasyon ka sa Pinas o nag-”balikbayan” ka, sigurado ay kukuyugin ka ng iyong mga kamag-anak at mga kaibigan. 4 bagay lang ang nakikita ko kung bakit ka dadalawin ng mga kaibigan at mga kamag-anak mo. Una ay dumalaw siya para mangamusta. Ang sarap naman talaga sa pakiramdam yung maalala ka ng isang kamag-anak o kaibigan di ba? Pangalawa ay para humingi ng pasalubong. Ikaw na ang kumikita sa abroad at dumaan sa Duty Free! Pangatlo ay upang mangutang. Well, tanggapin na natin ang katotohanan na “Big Time” ang tingin nila sa iyo. At pang-apat ay hybrid… Ang combibation ng 3 nauna. Ito yung pinakamalupit. Maari nating i-summarize ang pag-uusap ninyo na parang ganito:

Kumpare: Uy pare kamusta? Tagal mong nawala a.

Ikaw: Eto, okay lang naman…

Kumpare(di ka pa tapos magsalita): May pasalubong ba ko diyan? Itong chocolates na ‘to sa mesa pwede bang akin na lang?

Ikaw: Ah…Sige, okay lang…

(konting chika: blah-blah-blah…. then finally, ang climax…)

Kumpare: Ang totoo niyan pare, may problema talaga ko. Nagababakasakali lang ako na baka may mahiram akong pera.. mga 10,000 piso lang nman… kasi blah-blah-blah…….. promise babayaran ko agad pag nagkapera ko.

Ikaw: Ah… o-k-a-y …


Totoo? Okay lang? Kailan nga ba tayo pwedeng humindi? At kailan tayo pwedeng umo-o sa mga umuutang sa atin?
lending
Ito ang isa sa mga sitwasyong “awkward” at napakahirap na magsabi ng “Hindi”. Kung ikaw ang “Lender” o nagpapautang, minsan ang pagtanggi o pagsasabi ng “HINDI” ay nagiging ugat pa ng samaan ng loob sa pagitan ng mga kamag-anak o kaibigan. Tipong pag di sila nakahiram sa iyo ay ipararamdam sa iyo na wala kang puso at sobrang damot mo. Tipong pag magkakasalubong kayo ay hindi na siya tumitingin sa mga mata mo kagaya ng dati. So ano ang gagawin mo?

Green Stickman™ Tips Kung Ikaw ang Lender o Nagpapautang:

  1. Una sa lahat i-check mo muna kung may kapasidad ba yung umuutang kung may pambayad ba siya o wala. Paano mo yun malalaman? Simple lang, dapat alamin mo kung:
    • May record na ba siya ng utang sa ibang tao na kinumpleto niya ang bayad? Kung nabayaran niya yung dati niyang utang, nagpapakita lang ito na malaki ang chance na hindi ka niya basta tatakasan at mag-a-ala-Houdini.
    • May “stable” at regular ba siyang kita? Kung meron, pwede nating sabihin na may kapasidad nga siyang magbayad.
    • Nagbibigay ba siya ng magandang payment term o plan? Kung oo, nagpapakita din naman to ng willingness niyang magbayad sa utang niya.
    • Saan niya ba dadalhin ang pera? Hindi mo naman kailangan na usisain in full details pero mas madali kasi para sa nagpapautang kung alam natin ang pagdadalhan ng perang pinaghirapan natin. Kasi kung may uutang sa akin halimbawa para lang may ipanghanda sila sa piyesta, sorry ka na lang, di talaga kita papautangin.
    • • Over-borrowing na ba siya? Baka naman ikaw na lang sa barangay ang di pa niya nauutangan. Sabi niya ikaw na ang huli… Oo, ikaw na raw ang last bago siya lumipat sa kabilang barangay. Haha…
  2. Ipautang mo lang kung ano lang yung kaya mong ipautang. So, obviously, huwag mong ipautang yung emergency fund mo. Kung talagang gipit yung tao, siguro bumawas ka ng kaunti sa savings mo at huwag mo na lang ituring na utang niya sa iyo, bigay mo na lang. Halimbawa nangungutang siya ng 10,000. pesos, para naman di sumama ang loob niya, sabihin mo na bibigyan mo na lang siya ng 2,500 o 3,000 pesos, at hindi mo na lang siya sisingilin. As in BIGAY ha, hindi mo na sisingilin at least kung mangutang siya sa iba, hindi na ganun kabigat gaya ng 10,000. Okay lang yun, isipin mo na lang at ipagpasalamat mo na lang sa Dios na hindi ikaw ang nagdaranas ng problemang mayroon siya. Nakatulong ka na, wala pa siyang sama ng loob, ligtas ka pa sa sakit ng ulo sa paniningil. Gets mo?
  3. Maging malinaw sa lahat ng pagkakasunduan ninyo o yung tinatawag na “terms of the loan”. Tuwing kailan ba siya magbabayad? Magkano ang interest? Kung late ba sa pagbabayad may penalty? Kung meron magkano? etc.
  4. Isulat ang inyong kasunduan sa isang malinis na papel upang magsilbing isang “promisory note”. Ito ang pinakamahalaga sa lahat. Mahirap lang talaga gawin ito pag ang nangungutang na sa iyo ay sobrang malapit mong kamag-anak halimbawa e magulang o kapatid mo. Kadalasan naman kasi, kung talagang mahal mo yung umuutang, hindi na utang ang nangyayari kundi bigay. Pero kung kaibigan mo lang naman o ibang tao na lumapit sa iyo, kailangan nyo talaga gumawa ng “kasunduang” gaya nito:

    Ang Promisory Note na ito ay hindi kailangang paliguy-ligoy o nakasulat man sa Inggles. Sa katunayan, pwede nga itong gawin kahit isang talata o paragraph lang. Basta dapat ay kumpleto ang mga dapat na malaman ng isang nangungutang at nagpapautang. Dapat may laman itong:

    • • Kung sino yung nagpautang (Lender)
    • • Kung sino yung umuutang (Borrower)
    • • Magkano ang inutang (Amount)
    • • Kailan ang Due Date
    • • Kailan ginawa ang tansaction (Date of Transaction)
    • • Ano ang interest rate
    • Penalty kung lumiban sa pagbabayad
    • Co-maker o guarantor kung kinakailangan
  5. Kung natuloy ang utangan, dapat i-track mong mabuti kung saan ba nakatira ang umuutang sa iyo. Kunin mo hanggang maaari kung ano ang primary at secondary addresses niya. Pati na rin ang lugar ng kanyang pinagtatrabahuhan. Marami kasi sa mga umuutang ang may talent ng pagiging “escape artist” at nag-aala Houdini sa oras ng singilan.
  6. Kung may asawa ka, sabihin mo sa asawa mo na magpapautang ka. Dahil baka mamaya, pag-awayan niyo pa ito pag dumating na yung punto na hindi na ninyo masingil yung umutang sa inyo.
  7. Sa pagsingil dapat kumpleto ka ng listahan at resibo. Sobrang halaga nito para ma-track mabuti ang pagbabayad ng umutang sa iyo.
  8. Kung malapit na kamag-anak o kaibigan mo ang naka-kumpleto ng bayad, bigyan mo siya ng “Reward” sa pagbabayad niya ng wasto. Isang achievement ito para sa kanya. Pwede na yung ilibre mo siya ng dinner para i-celebrate yung “achievement” na ito. “Rebates” kung baga for being a responsible borrower.

lending

Green Stickman™ Tips Kung Ikaw ang Borrower o ang Umuutang

  1. Kung ikaw ang umuutang, pumunta ka sa uutangan mo na may dala kang kontrata (written) at pakita mo rin sa kaniya ang iyong “payment plan”. Nagpapakita ito na willing kang magbayad sa inutang mo.
  2. Kung may pwede ka i-collateral sa kanya, lalung mas okay para mai-guarantee mo ang credibility mo.
  3. I-maximize mo ang borrowing capacity mo. Ibig sabihin hanggang magkano ba ang upper limit mo na kayang mong bayaran. Huwag ka lang uutang ng sobrang laki na alam mo naman na sa totoong buhay ay di mo kayang bayaran at wala kang kapasidad na bayaran pa ito sa pagdating ng panahon.
  4. Sa oras ng bayaran, wag kang papayag na wala kang resibo na matatanggap tuwing magbabayad ka. Karapatan mo ito.
  5. Gawin mo ang lahat para mabayaran mo ang perang inutang mo sa kaibigan mo. At gumawa ka rin naman ng notes o record mo mula ng mapasa-iyo ang pera na hinihiram mo…


O ano? Magpapautang ka pa ba?

Ako? Kung mayroon, Oo. Pero maging wise tayo sa pagpapautang. Mararamdaman mo naman kung yung taong umuutang ay talagang nangangailangan o hindi. Huwag tayong magkait ng tulong sa nangangailangan dahil hindi natin alam, baka bukas makalawa ay ikaw naman ang mangailangan. Magpautang tayo, pero turuan natin ang mga umuutang ng responsibilidad na magbayad.

Oo, mahalaga ang pera, pero mas mahalaga yung mga taong nakapaligid sa atin. Sabi nga sa Biblia, “ang naaawa sa dukha ay nagpapautang sa Panginoon…”. Kung hindi man siya makabayad sa’yo, hintayin mo ang bayad ng Dios na siguradong higit pa sa inaasahan mo.

Hanggang dito na lang muna. Sana ay natulungan ka ni Green Stickman™ tungkol sa pagpapautang sa kamag-anak at kaibigan.

Tandaan, mahirap ang mag-ipon ng pera, kaya bago mo ito ipautang, isipin mong mabuti kung ang isasagot mo ba sa umuutang sa iyo ay “OO” o “HINDI”. Huwag na huwag mong ipapautang ang iyong emergency fund lalu na kung may asawa at anak ka.

Kung nag-enjoy po kayo sa aking mga akda at financial advises, at kung sa tingin mo ay karapat-dapat itong i-share at malaman ng mga tao, share mo naman sa mga kaibigan mo sa Facebook at Twitter sa pamamagitan ng pagpindot sa mga buttons na ito:

Ooops, bago ko malimutan, in case na nagustuhan ninyo ang artikulong ito, at gusto niyo pang maka-tanggap ng mga artikulong may sense na kagaya nito, input nyo lang po ang inyong e-mail address sa form na nasa ibaba at si Green Stickman™ na po ang bahalang magpadala sa inyo ng mga updates.


SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Bibili Ka Ba ng Bagong Car o 2nd Hand na Lang?
NEXT TOPIC: Matutong Mamaluktot Kahit Mahaba Ang Kumot


May tanong ka ba o gustong idagdag? Post mo lang dito:(Kung ayaw ma-post, pwede ka pa ring mag-post sa pinaka-ibaba ng article na ito.)



Is this post helpful? If it does, please help me to publish quality articles like this. Send some donation to keep this website alive by clicking the button below:

Be a Green Stickman™ fan. Click my Facebook "like" Button Here:
To all the people who clicked the "LIKE" button of my Fan Page, THANK YOU VERY MUCH! :D