Read the English Version of this article: Buying Versus Renting A Home


SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Ang Pag-i-ingat sa Iyong Financial Accounts
NEXT TOPIC: Bibili Ka Ba ng Bagong Car o 2nd Hand na Lang?

Ang pagbili ng bahay ang isa sa pinakamalaking gastos na pwedeng gawin ng isang tao sa buong buhay niya. Kung kaya nararapat lang na bago ka bumili ng bahay, marami kang dapat na isa-alang-alang o i-consider bago magbigay ng down payment dahil pag naibigay mo na ito, wala na itong atrasan. Mabuti kung extra cash mo lang din ang pambili ng bahay. Pero sa marami, ang halaga ng isang bahay ay katumbas halos ng kanyang buong lifetime savings.

Sa artikulong ito, tutulungan ka ni Green Stickman™ na mag-decide kung dapat ba o hindi na bumili ka ng bahay gamit ang current financial status mo. Isa sa mga dahilan kaya ko agad na isinulat ito ay ng mapansin ko na ginagamit ng maraming ahente ng bahay ang Facebook groups para bentahan ang mga OFWs. Marami pa namang OFWs ang mabilis ma-attract sa mga ganito na bigla na lang nagde-desisyon sa pagbili ng bahay gamit ang kanilang mga naiipong pera na halos dugo, pawis at luha ang puhunan. Hindi ko sinasabing masamang bumili ng sariling bahay. In fact, sang-ayon ako na mas okay ang mabuhay ng may sariling bahay. Pero sa anong kapasidad at anong mga qualifications ang mga kailangan nating i-consider bago tayo bumili ng bahay? Kailan ka nararapat bumili ng isang bahay at tumigil sa pangungupahan (kung ikaw ay nangungupahan)?


Kailan ka narararapat na bumili ng bahay?


Hindi ito madaling sagutin in “general” dahil iba iba ang financial status ng bawat tao. Maaaring sa iba, mura lang ang isang bahay na may halagang 3 Milyong piso, pero sa iba naman, maaaring sobrang mahal na nito para sa kanila. Pero anu’t ano pa man ang kalagayan ng financial status mo, mayroon tayong 2 “major aspects” na dapat na bigyang pansin bago tayo mag-decide na bumili ng bahay.


Ang 2 Mahahalagang Aspekto sa Pagbili ng Bahay:

  1. Aspektong Pang-Financial (Financial Aspect)
  2. Aspektong Pang-Personal (Personal Aspect)


(TRIVIA: Alam nyo ba na walang salitang “Aspeto” sa wikang Filipino? Pero nakasanayan na ng marami na gamitin ito sa kabila ng ang dapat sanang gamitin ay “Aspekto”.)

Pag na-define at natimbang mong mabuti ang dalawang aspektong ito, makakapag-decide kang mabuti kung bibili ka ba ng bahay, o mangungupahan na lamang.
buying

Financial Aspect

Sa aspektong ito, kailangan alam mo ang CASH FLOW requirement ng pagbili ng bahay o ng pag-uupa sa apartment.

Unahin natin yung sa pag-upa o pagbabayad ng renta sa isang apartment. Sa pag-upa ng bahay, mayroon itong mababang cash outlay requirement. Ibig sabihin, kung mangungupahan ka kasi, ang karaniwang kailangan mo lang naman ay yung 2 months advance at 1 month deposit para matirhan mo ang gusto mong bahay o apartment. Pag nabayaran mo ito, madali na para sa’yo ang monthly rent kung may regular kang kita at trabaho.

Samantalang, kung bibili ka ng bahay, nagre-require ito ng mas mataas na cash outlay dahil kailangan mong bayaran yung reservation deposit na nagkaka-halaga ng 10,000 to 50,000 pesos (depende sa lugar). Kailangan mo ring bayaran ang down payment para sa nasabing property. At syempre dapat nakahanda rin ang mga monthly amortization nito. Kung bibili ka ng bahay, nararapat lang na mayroon kang “monetary stability”. Kung bibili ka ng property through “financing”, dapat sigurado kang may pambayad ka sa loob ng 10 hanggang 15 taon. Kung hindi ka sigurado o hindi naman “stable” ang trabaho mo, siguro dapat na magdalawang isip ka muna kung itutuloy mo ba ang pagbili ng bahay o hindi. Sayang naman kung pagdating sa gitna ng kabuoang period e mailit pa sa’yo yung bahay na pinapangarap mo.

Tandaan mo, hindi madaling manghiram ng pambayad ng buwanang amortization ng bahay. Hindi ito gaya ng problema pag hindi ka nakabayad ng upa sa isang apartment. Well essentially, parehas lang naman na palalayasin ka sa bahay, condo o apartment kung hindi ka nakakabayad. Pero mas madaling gawan ng paraan yung pambayad sa upa o renta kaysa sa monthly amortization ng bahay dahil normally naman e mas mababa ang halaga nito. Kung isa kang OFW at less than 40,000 pesos a month lang ang kita, siguro mas mabuti na ang unahin mo ay business o investment kaysa unahin mo ang pagbili ng bahay. Ng sa gayon, kung maisipan mong umuwi na ng Pilipinas, hindi ka pa rin magugutom. Mahirap naman yung may bahay ka nga, e nangungutang ka ng pambili ng bigas kay Aling Nena. Ang masakit baka bandang huli, maibenta mo rin yung bahay mo dahil wala ka namang pang-“sustain” sa mga dapat mong bayaran. May mga kakilala akong ganoon ang nangyari. Na-”sales-talk” sila ng ahente ng subdivision at agad na bumili ng property ang kaso biglang nalugi yung pinagtatrabahuhan niyang kumpanya, ayun tsugi si bahay. Parang nauwi sa wala ang lahat ng pinaghirapan at pinambayad sa bahay. Kaya naman kung mapapansin natin, maraming mga properties ang naka-foreclosed sa mga bangko at mga government sectors kagaya ng PAG-IBIG at NHMFC (National Home Mortgage Finance Corportation).


Personal Aspect


Bukod sa financial aspect, dapat din nating i-consider ang mga aspektong-personal. Ang aspektong ito ay may kinalaman sa “job mobility” ng taong bibili. Kung halimbawa ikaw ay palipat-lipat ng trabaho, o wala sa plano mong magtagal sa iisang kumpanya; o di kaya naman ay may balak kang mag-abroad sa mga darating na panahon, mas okay pa na mag-renta ka na lang kaysa bumili ng bahay.

Isa pang personal factor ay ang pagkakaroon ng mga Pinoy ng “sense of security and self esteem”. Ano ito? Marami kasi ang may maling pag-iisip na komo nangungupahan ka lang, iniisip nila na hindi mo afford o hindi mo kaya na bumili ng bahay. Kaya naman tuloy yung ibang nagpapa-a-apekto at nagpapapatol sa ganitong kaisipan ng marami, kahit okay lang naman na magrenta lang, bumibili pa rin siya ng bahay kahit di naman niya talaga kailangan. Wala lang, masabi lang na hindi siya “poor” dahil may sarili siyang bahay. Pero hindi laging ganito ang kaso ha. Marami akong kakilalang “may pera” na nagrerenta lang at walang sariling bahay. At tingin ko mas wa-is sila dahil imbes na ipambili ng bahay, ini-invest nila ito sa mga investment instruments para tumubo pa ng mas malaki ang pera nila. Hindi pa sila basta mapag-i-interesan ng mga magnanakaw dahil di siya nakatira sa malaking bahay. “Low Profile” lang ika nga nila.

Bukod sa dalawang ito, isa pang factor ang nakaugalian ng mga Pinoy simula pa noong una: ang old Filipino Tradition na hinaluan ng konsepto ng “pamana”. Maraming mga magulang ang napupundar ng lupa at bahay para sa dahilan “kuno” na pag namatay siya ay maiiwan silang bahay na pwedeng ipamana sa kanilang mga anak. Mabuti kung fully paid. Ang masakit, ay kung di pa tapos ang mga dapat bayaran, baka ang maipamana mo sa mga anak mo ay imbes na property e utang. Ah may mas masakit pa na produkto ang kaugaliang ito ng Pinoy. Kung hindi naayos ng mga magulang ang mana ng mga anak, nauuwi pa ito sa pag-aaway ng mga magkakapatid kung kanino mapupunta ang “pamana” na ito. Kaya narararapat na huwag tayong gumaya sa ganitong kaisipan dahil sa totoo lang, paglaki ng mga anak natin, mas malaki ang chance na hindi niya rin ito tirhan dahil posibleng sa ibang lugar siya makakuha ng trabaho o makapag-asawa at mag-settle down sa ibang lugar. Mabuti pa na ang iwan mo sa kanya ay mga Certificate ng Stocks or yung mga Certificates ng Participation mo sa iba’t ibang investment instruments kaysa property. At least kung i-redeem man niya ang ito at gawing pera, makakapili siya ng bahay pati na ng lugar kung saan niya gusto tumira.

—————————————————————–

Green Stickman™ Guidelines Sa Pagbili ng Bahay:

  1. Kung halimbawa desidido ka na talagang bumili ng bahay (pero pwede mo ring gamitin ang mga guidelines na ito sa pagpili ng matitirhang apartment), ang pinaka-importante na dapat i-consider ay ang lokasyon ng bahay. Rule of thumb ito sa real estate… Ang pagpili ng magandang location.
  2. Dapat kung bibili ka ng bahay, siguruhin mong “kaya” mo yung presyo ng lugar na napili mo. Kahit na gusto mong tumira sa high class na subdivision kung wala ka naman malaking ipon, wag mong lokohin ang sarili mo na isasama mo pa ito sa listahan ng mga gusto mong bilhin.
  3. Pagdating sa location, kailangan mong i-consider unang una ay kung available ba ang mga “facilities”. Siguruhin mong may transportation facilities, baka naman karitela ng kalabaw pa ang gamit para makarating ka sa bayan. O baka naman yung lugar mo e wala man lang dumadaan na tricycle. Dapat din mayroong malapit na hospital, at may malapit na eskwelahan para sa mga bata kung may mga anak ka. At kung maaari ay hindi dapat kalayuan ang palengke dahil siguradong mamamalengke ka (o kung sino man ang utusan mo) para sa inyong pagkain.
  4. Bukod sa facilities, kailangan mo ring i-consider kung anong klaseng mga kapitbahay ang mga nasa lugar na iyon. Marami ang basta bumibili ng bahay na hindi nako-consider ito. Tandaan natin na ang pagbili ng bahay ay nagde-”denote” ng permanency. Ibig sabihin titira ka doon kasama ng buong pamilya mo ng matagal na panahon. Syempre ayaw natin na lumaki ang ating mga anak sa isang lugar na masasama ang ugali at hindi okay ang character ng mga tao. Baka paglaki ng mga anak mo e magkaroon ka ng sakit ng ulo, so dapat talaga kasama ito sa kino-consider nating mabuti.
  5. Bukod dito, kasama na rin sa mga dapat mong i-consider ngayon kung ang lugar ba na napili mo ay binabaha. Siguruhin mong hindi ka mag-aangat ng gamit kapag umulan ng sobrang lakas. Watch out ka din dapat sa mga subdivision na flood free daw sila. Flood free nga sa bahay pero hindi ka naman makalabas sa kalsada sa taas ng baha. So consider mo rin kung binabaha ba yung daan o mga ruta ng dadaanan mo kung bilhin mo man yung bahay.
  6. At ngayon dahil dumadalas na rin ang mga lindol, check mong mabuti kung ang gusto mong bahay ay hindi nakalinya sa mga fault lines kagaya ng sa Marikina Fault Line.
  7. Sa pagbili ng bahay, bakit hindi mo rin subukan ikumpara yung mga presyo ng mga ino-offer ng mga banks at mga government sectors kagaya ng PAG-IBIG at NHMFC. Baka naman may matipuhan ka sa mga foreclosed properties na binebenta nila.
  8. Okay din na i-consider ang mga Rent to Own properties kaysa bumili ka ng bagong bahay. Pwede rin naman pumatol ka sa mga nag-pi-“PRE-SELL” ng bahay, lote o condo, pero siguruhin mo munang katiwa-tiwala ang mga real estate o land developers nito, so I suggest, mag background check ka rin sa kanila.
  9. Kahit na mayroon kang pera na pang full payment sa bahay, idaan mo pa rin sa financing. Ilabas mo lang yung pera na kailangan mo sa para sa reservation deposit and down payment at para sa iba pang mga fees. And the rest ng panghulog mo ay i-invest mo muna sa ibang investment instruments para kumita pa yung pera mo. Makikita mo na at the end of your payment term, kumita ka pa sa pera mo kumpara sa kung binayaran mo agad ito in full.

buying

Teka, maituturing ba na INVESTMENT ang pagbili ng bahay?

Minsan dumaan ako sa isang ginagawang condo sa Magallanes (galing akong MRT) may isang babaeng naka-business attire ang nag-abot sa akin ng flyers. “Investment po sir!”
“Investment? Paanong naging investment yun kung ako ang titira at wala naman akong kita kung ibigay ko ang aking pera?”. Naibulong ko lang sa sarili ko. Sa pagkakaalam ko kasi, mako-consider mo lang na “investment” ang isang bagay kung mayroon itong ROI o “kita” mula sa ilalabas mong pera o capital. Gusto ko sanang makipagtalo sa nag-abot sa akin pero dahil late na ako sa aking pupuntahang meeting ay pinalampas ko na lang.

After ilang araw, nadaan uli ako sa parehas na lugar. Nakarinig na naman ako ng “investment po sir!”, pero sa lalaki naman. Parang prinogram yung babae noong una at yung lalaki ng araw na yun kung ano ang sasabihin nila. Tinuruan silang magsalita ng “investment po ma’am at sir” para sa obvious na dahilan, ang magka-SALES o makabenta sila ng unit ng condo.

Balik tayo sa tanong ko, investment nga ba ang pagbili ng property kagaya ng condo o bahay? Depende. Ganito lang yan. Ihalintulad natin ito sa pagbili ng sasakyan. Kung bumili ka ng sasakyan para pang-porma at personal na gamit mo lang, hindi ito maituturing ng investment. In fact, mas makakabigat nga sa iyo ito dahil mas matipid ang mag-commute at mahal ang gas at maintenance ng sasakyan. Pero kung gamitin mo ang sasakyan sa pag-deliver ng items o gamitin bilang service para sa iyong business, maituturing mo nga itong investment. Halimbawa isa kang Medical Representative, mas okay na may magagamit kang sasakyan para makarami kang mapuntahan na mga ospital sa mga rutang dadaanan mo. Nakuha mo yung idea?

Kung ihahalintulad natin ito sa pagbili ng bahay o condo, maaari nating i-consider din ito na investment sa ilang mga kondisyon. Anong mga kondisyon? Ito yung parte na hindi pinapaliwanag ng mabuti ng ibang sales agents kaya nagiging parang misleading o “mali” yung paggamit ng salitang “investment”. Kung ikaw kasi ang titira at naka-decide ka na doon na magse-settle ng matagal na panahon, hindi mo mai-ko-consider na investment ito.

Magiging investment lang ang pagbili mo ng bahay o condo KUNG may plano kang ibenta ito pagdating ng panahon, o di kaya naman ay may plano kang paupahan ito para magkaroon ka ng regular monthly income.

Hanggang dito na lang muna. Sana nakatulong ang artikulong ito upang makapag-decide ka kung bibili ka ba ng bahay o hindi. Malaking bagay na matimbang mo ito ng mabuti at huwag magkamali.

Tandaan, mahirap ang mag-ipon ng pera, kaya bago mo ito ipang-deposit at ipang-”down payment” sa isang property, dapat ay maisa-alang-alang mo ang lahat ng dapat na i-consider. Mas okay syempre na buo din ang iyong emergency fund bago ka bumili ng bahay.

Ooops, bago ko malimutan, in case na nagustuhan ninyo ang artikulong ito, at gusto niyo pang maka-tanggap ng mga artikulong may sense na kagaya nito, input nyo lang po ang inyong e-mail address sa form na nasa ibaba at si Green Stickman™ na po ang bahalang magpadala sa inyo ng mga updates.


At kung tingin mo ay karapat-dapat itong i-share at malaman ng mga tao, share mo naman sa mga kaibigan mo sa Facebook at Twitter sa pamamagitan ng pagpindot sa mga buttons na ito:

SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Ang Pag-i-ingat sa Iyong Financial Accounts
NEXT TOPIC: Bibili Ka Ba ng Bagong Car o 2nd Hand na Lang?


May tanong ka ba o gustong idagdag? Post mo lang dito:(Kung ayaw ma-post, pwede ka pa ring mag-post sa pinaka-ibaba ng article na ito.)



Is this post helpful? If it does, please help me to publish quality articles like this. Send some TIPS to keep this website alive by clicking the paypal button or sending Bitcoins to BTC address below:
paypalbtc
3HwMMYfNSWYSCa7fPtBoWKtW8mt9i6cpoe
btc
Click the QR Code or text above to copy the BTC Address.


OR better if you could support this website by buying my book (This is available both on paperback and e-book version)! A true Green Stickman avid reader would definitely have this one. Limited copies only for the paperback! So make sure to grab your copy.