Kapag may oras at may chance na mag-relax, minsan ay nakagagawa rin ako ng mga tula. Kapag nasa byahe, nasa kwarto, nasa banyo (hehehe…)… basta may pagkakataon at may bigla akong naisip, sinusulat ko. Marami na nga akong nasulat sa Facebook pero ngayon ko lang naisipan na gawin ito. :)

Sana ay mapulot din kayong aral sa bawat saknong at taludtod na aking ginawa. Hindi ito tungkol sa mga bagay na pang-financial. These are just random thoughts ng isang makata. But I am sure na hindi rin naman sayang ang oras mo sa pagbabasa ng mga ito.

Enjoy reading my dear readers and followers!
:)


Ilaw ng Tahanan

Ni: Makatang Berdeng Patpat

Sa lahat ng mga babaeng nakilala sa mundo,
walang papantay sa pag-ibig na inilaan mo.
Ibinibigay mo kahit na ang iyong pagkaing subo,
kapag napansing ang ulam ay nagustuhan ko.

Nagbabantay ka kapag ako’y tulog.
Nagpapaypay pag walang kuryente kahit pagod.
Kapag natutulog ako, ikaw ay gising pa.
Kapag gigising ako, ikaw ay gising na.

Ilaw ng tahanan kung ikaw ay ituring.
Pakiramdam ay masaya kung ika’y kapiling.
Nasa ng puso sana ay dumating
kagandahang loob mo’y magantihan ko rin.

Masarap ang pakiramdam ng lumaking may ina.
Nag-aalaga mula bata hanggang pagtanda.
Dalangin ko sa Dios laging samahan ka.
Sa mabigat na karamdaman ay maiwas ka.


Kilala

Ni: Makatang Berdeng Patpat

Nasa mundo tayo na marami ang mapanirang puri.
Mabilis ang paghatol ng mga makati ang labi.
Mga matapang na ang sandata ay mga daliri.
Ngunit sa katotohanan ay mga mahihinang uri.

Mahihina dahil magaling lang sa talikuran.
Hindi kayang humarap sa pakikipaglaban.
Magaling lamang sa pagsira ng pangalan.
Pero salita at gawa ay mga walang laman.

Pipigilin ka dahil nilamon ng inggit.
Tumatawa kapag nakaramdam ka ng sakit.
Kawawa ang pangarap mo kung di ka magpilit.
Kung di mo ipagpatuloy siguradong mapait.

Huwag kang magpa-apekto sa sinasabi ng iba.
Dire-diretso lang, na parang may tapaoho ang mata.
Ipinid ang mga pinto ng dalawang tainga.
At huwag hayaang makapasok ang magnanakaw ng saya.

Ika’y magmatulin, huwag bagalan ang takbo.
Huwag huminto kahit pa harangan ng bagyo.
Tibayan ang dibdib na parang marmol na bato.
Walang dapat na tumibag ng buong pagkatao mo.

Kaya kung may dumarating sa buhay mo na ganito,
tawanan mo lang dahil alam mo ang totoo.
Kilala mo ang sarili, kilala ka ng mga mahal mo.
At lalong nakikilala ka ni Bathala sa itaas mo.


Sino Ang Manok Mo?

Ni: Makatang Berdeng Patpat

Tuwing sasapit ang eleksyon dito sa ating inang bayan,
bawat isa ay may manok na waring inaalagaan.
Na para bang pinatakasi ang gagawing halalan.
Kandidato’y parang mga tandang na panlaban.

Pero di gaya ng sabong, tari dito’y mas matalim.
Siraan ng puri at pangalan, ang mga balak ay maitim
Eleksyon ba talaga ito? O “Gabi ng Lagim”?
Waring lahat ay kumakapa sa gitna ng dilim.

Sino ang makapag-aahon sa ating bayang nalugmok?
Sa mga problema ng bayan, sino ang tutuldok?
Sino ang magdadala ng watawat sa matarik na bundok?
At sino ang pipigil sa tuluyan nitong pagkabulok?

“Iboto mo si ganito…”, ang sabi ni ganire…
“Ano bang nagawa niya sa bayan na medyo matinde?”
“Gumanda ang Pilipinas!”, ang tugon ni kumpare.
“Gumanda? Saang banda? Hindi ko naramdaman ‘pre.”

Ngayon, sino ang manok mo? yung nagpakain ng libre?
Na namigay ng T-shirt noong meeting de avance?
Ang boto mo ba ay katumbas lamang ng isang pakete?
Hinain bang plataporma’y maituturing na diamante?

Manok mo ba’y tumitilaok ng mababangong salita?
Talumpati niya ba ay may malaman na kataga?
O gaya lang din ng ibang puro dada na walang gawa.
Pero malakas mang-uto ng mga “isang-kahig isang-tuka”.

Siya ba ang manok mo? O ikaw ang isa sa mga manok niya?
Nakikipag-away ka sa marami dahil iboboto mo siya.
Inaaway maging mga kaibigan at kapamilya.
Aalagaan ka ba ng kandidato mo kapag nagkasakit ka?

Bago maghalalan imposible talaga sa atin ang magka-isa.
Pero pagkatapos ng halalan, sumuporta sana tayo sa pumasa.
Sino man sa kanila ang hahawak sa manibela ng bansa.
Idalangin natin sa Dios na samahan siya sa paglilingkod niya.


Walang Nagsabing Madali

Ni: Makatang Berdeng Patpat

Walang nagsabi na madali ang tatahakin at pinili mong lakaran.
Kahit na ano pa yan ang mahalaga ay naka-focus ka lang.
Hindi lahat ay nakahanda upang ikaw ay maunawaan.
Kaya dapat ihanda ang dibdib mo sa pangungutya ng ilan.

Tuloy tuloy lang ang byahe kahit masiraan ka sa daan.
Kung kailangan mong magtulak, gawin mo, makarating ka lang.
Huwag mong pansinin kahit makatapak ng tae sa lansangan.
Huwag kang huminto baka lagay yan ng kalaban.

Oo, may mga taong hindi masaya kapag nakita kang masaya.
At may mga taong masaya kapag nakitang nahihirapan ka.
Buntong-hininga, kagat-labi, tiisin mo lang kaibigan.
Kung ihahambing mo sa naranasan ni Kristo, kulang pa yan.

Nagbyahe at naglakad ka bang may krus na pasan?
Nagbyahe at naglakad ka bang hinahampas sa likuran?
Koronang tinik ba ang sa destinansyon mo’y naka-abang?
At ibibitin ba sa punong tila krus ang iyong katawan?

Kaya kung problema’y dumarating, huwag kang lubhang malumbay.
Parte yan ng buhay, at proseso upang ikaw ay tumibay.
Pilitin mong umangat, at sa kanila’y huwag kang makisabay.
Tandaan mo, hindi kumikinang ang diyamante sa ilalim ng hukay.

Darating ang araw mararating mo rin ang tagumpay.
Luha’y mapapawi, at saya ay walang kapantay.
Mas matamis ang tagumpay na may pawis na alay,
kaysa sa tagumpay na inabot lang sa iyong mga kamay.


KANINO ANG BOTO MO?

Ni: Makatang Berdeng Patpat

Binay, Duterte, Poe, Roxas, at Santiago.
mga kumakandidato sa pagka-pangulo.
Lahat nagnanasa ng malaking pagbabago;
Ikaw kaibigan? Kanino ang boto mo?

Si Binay na siyang ikalawang pangulo
Tumakbo kahit sandamakmak ang issue.
Wala raw katotohanan mga sinampang kaso.
Siya daw ang Nognog na tutulong sa iyo.

Si Duterte naman na Mayor ng Davao.
Panay mura sa TV, pambababae’y hayagan
Takot ang mga addict at kriminal sa kanyang bayan
Pangako ay Major Changes sa loob ng 3 buwan.

Si Grace Poe ang pinakabata sa larangan.
Kantyaw ng iba kulang daw sa karanasan.
Sapat nga kaya ang puso at malasakit sa taong-bayan
Upang sumulong tayong lahat sa kaunlaran.

Si Roxas ang standard bearer ng pangulo
Daang matuwid ay itutuloy daw na walang liko.
Sapat na nga ba ang magtiwala sa kanyang mga pangako,
O gaya lang din ng mga TRA-POng pangako’y napapako?

Si Santiago, ang siyang rock star ng senado.
Madaming achievements at parangal ang tinamo.
Pero paano daw ang bayan kung siya ay mananalo?
Sakit ba niya ay pwedeng maging balakid sa inaasam na pagbabago?

Kanino ang boto ko? Hindi ko sasabihin.
Kanino ang boto mo? Ito ang dapat mong isipin.
Titulo ng tula ko’y iyo sanang seryosohin.
Lagay ng bayan ay nakasalalay sa bawat desisyon natin.





Is this post helpful? If it does, please help me to publish quality articles like this. Send some TIPS to keep this website alive by clicking the paypal button or sending Bitcoins to BTC address below:
paypalbtc
3HwMMYfNSWYSCa7fPtBoWKtW8mt9i6cpoe
btc
Click the QR Code or text above to copy the BTC Address.


OR better if you could support this website by buying my book (This is available both on paperback and e-book version)! A true Green Stickman avid reader would definitely have this one. Limited copies only for the paperback! So make sure to grab your copy.