SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Usapang Pera Para sa Mag-asawa
NEXT TOPIC: Ang Isang Napakahalagang Kayamanan na Dapat ay Mayroon Ka



“Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.”
–Kawikaan 22:6

Isa ito sa mga paborito kong talata ng Biblia. Hep,hep,hep! Huwag mo munang i-close ang browser mo. Huwag kang mag-alala, hindi ako magmimisa o magde-deliver ng homilya sa artikulo kong ito (At hindi ka makakatulog gaya ng ginagawa ng ilang kababayan natin pag nagsesermon si Padre Damaso). Pero may kinalaman kasi ito sa pag-uusapan natin ngayon.

Bueno bueno, mabalik tayo sa sinasabi ko tungkol sa talata. Kahit saang aspekto tama ito. Pag tinuruan mo ang bata ng tama, dadalhin niya ito hanggang sa pagtanda niya. Likewise, pag napakitaan mo siya ng mali, gagayahin niya rin ito dahil para sa kanya, tama pa rin ito, dito na nagsisimula ang problema. Ewan ko kung inabutan mo pa yung commercial noon sa TV na nakikita ng anak kung gaano ka-iresponsableng mag drive yung tatay niya ng kotse (dahil para siyang ahas kung sumingit singit sa road traffic) tapos noong nakikipaglaro siya ng “matchbox” sa mga kalaro niya, pa-zigzag din ang takbo niya sabay sabi sa mga kalaro niya: “Paglaki ko, gagayahin ko ang tatay ko…” (Tanda ko 1980s itong commercial na ito, sana magkaroon uli ng mga ganitong commercials).


Lahat ng ginagawa ng matanda ay tama sa paningin ng isang bata


Oo lahat ng makita ng ating mga anak sa atin ay gagayahin nila. Kung ayaw mong maging bastos ang anak mo, pakita mong magalang ka pati sa kapwa mo. Kung gusto mong maging mapagmahal ang anak mo, magpakita ka ng compassion at pag-ibig sa kapwa mo (at hindi PDA ang ibig kong sabihin okay?). At kung gusto mong lumaki ang anak mong matipid at may disiplina sa pera, ipakita mo na kayong mag-asawa ay nagtitipid at may pagpapahalaga sa pera. Mabuti na turuan natin sila ng tamang konsepto ng paggamit ng pera. At bukod sa pera, nararapat lamang na sa murang edad, dapat na maitanim natin sa mumunti nilang isipan ang halaga ng pagse-save. Paano? Maipapakita natin ito kahit sa pamamagitan ng simpleng pagpatay ng ilaw at electric fan pag lumabas ka ng kuwarto.

Dapat hindi kabaligtaran ng sinasabi mo ang pinapakita no sa anak mo. Dapat may “consistency” ka. Pag sinabi mong:

“Anak, wala tayong pera…”

Dapat ipakita mong nagtitipid ka. Hindi yung sasabihin mo na “wala na tayong pera”, pero pag pumupunta kayo ng mall e kung anu-ano ang mga pinagbibili ninyong hindi naman talaga kasali sa “basic needs” ninyo. O kaya naman e sinasabi mong wala kayong pera pero panay ang kain ninyo sa labas. At ang makulit, pag kumakain kayo sa mga resto, ang dami niyong tira o labis na pagkain pagkatapos ninyong kumain at nagbibigay ka pa ng malaking ‘TIP’ sa waiter.

“Practice what you preach”, sabi nga dun sa isang kanta ng Black Eyed Peas. Kung magtuturo kasi tayo ng “DAPAT” sa ating mga anak, siguruhing mong hindi ka mababara pag tinanong ka niya ng “Bakit po kayo?”. Sobrang matanong pa naman yung batang nag-iisip.

Hindi mo pwedeng sabihin sa anak mo na: “Anak, huwag kang magsisigarilyo, masama yan… ” kung ikaw mismo e nagsisigarilyo. Likewise, hindi mo ring pwedeng sabihin sa anak mo na: “Anak lagi mong papatayin ang ilaw at electric fan pag lalabas ka ng kwarto” kung mismong ikaw e hindi nagpapatay ng mga ito pag lumalabas ka ng kwarto niyo.
financial literacy for kids ad 1

KAILAN at ANO ang dapat na ituro natin sa mga bata tungkol sa konsepto ng pera?


Ang mga bata “by default” ay naka-program na para matuto. Sabi nga, “kids are born to learn and to discover”. Ang tanong, kailan at ano nga ba ang dapat na ituro natin sa kanila tungkol sa pera?
KAILAN? As early as 3 years old, maituturo mo na sa kanya ang konsepto ng pera. Sa karaniwan, at sa araw araw na pamumuhay, namumulat ang mga bata na kailangan ng pera para may pambili sila ng pagkain at laruan. Maituturo natin sa kanila na hindi lahat ng bagay na gusto ay makukuha at mabibili kung walang pera si “mommy” o si “daddy”.

ANO ang dapat na ituro tungkol sa konsepto ng pera? Ito ang madalas na makalimutan ng mga magulang (o malamang hindi rin ito alam o ina-apply ng marami nating mga kababayan kaya hindi naituturo sa mga anak) pero ito rin ang pinaka-importanteng matutunan kung ang pag-uusap ay tungkol sa pera. Dapat maituro natin sa mga bata ang konsepto at halaga ng pagse-save ng pera.

Personally, ginawa namin ito ng asawa ko sa anak namin. Binilhan namin siya ng isang malaking “Piggy Bank”. At pag binigyan namin siya ng 5 pesos o 10 pesos na coin, sasabihin naming sa kanya na pakainin niya si “Baboy-Pig” (ito yung pinangalan niya sa alkansya niya). Kaya everytime na bibigyan namin siya ng pera, naka-program na sa isipan niya na kailangan niya pakainin si “Baboy-Pig”, hindi gaya ng ibang mga bata na kapag binigyan ng pera ang ginagawang alkansya ay yung tindahan ni Aling Nena. Hehehe… :)

At siyempre, maganda na maituro natin sa kanila yung konsepto na ang pera ay hindi lang para makabili ka ng mga bagay na gusto mo. Nagagamit din ito upang makatulong sa mga dukha at sa mga nangangailangan. Isa pang paborito kong talata ng Biblia yung sinasabi sa Kawikaan din na:
“Ang naaawa sa dukha ay nagpapautang sa Panginoon, at ang kaniyang mabuting gawa ay babayaran sa kaniya uli. “
–Kawikaan 19:17

At iba kapag ang Dios ang nagbayad sa kabutihang ginawa mo kapag tumulong ka sa dukha… Amen po ba mga braders and sisters??? “AMEN!” (*sigaw ng malakas). Pero yung tinutukoy ko e yung totoong dukha at nangangailangan ha. Hindi ko malimutan yung nilimusan ko ng biskwit. Sinauli ba naman sa akin yung binigay ko kasi ayaw raw niya ng biskwit na bigay ko kasi may durog. Hahaha…. Di tuloy niya nakita yung nakaipit na P500 sa loob.

Green Stickman™ Money Management Tips bilang magulang para sa ating mga anak…

  1. Bigyan mo siya ng Piggy Bank. Hindi ang anak mo ang magde-decide kung magkano ang dapat na ihulog at kung tuwing kailan niya ito huhulugan. Bilang magulang, ikaw ang mag-decide para sa kanya. Ang mahalaga ay ma-develop mo sa kanya yung “habit” ng pag-se-save gamit ang kanyang piggy bank.
  2. Kung medyo malaki na sila at nag-aaral na halimbawa ay nasa elementarya na siya, ipagbaon mo siya o sila ng packed lunch o anything na pangkain pag-recess. Pero bigyan mo rin siya ng allowance na pera at sabihin mo na ito ay “for emergency” (kung may project o kailangan bayaran sa school) lang niya gagamitin.
  3. Make sure na yung binibigay mong pera na pang “emergency” na ito ay mai-se-save niya ang malaking porsyento. Okay lang naman ang gumastos, pero hindi dapat na ubusin niya ang money allowance na bigay mo dahil para nga ito sa “emergency”.
  4. Kung hindi sapat ang allowance na binibigay mo at manghingi ang anak mo ng pera para sa kaniyang school project, bigyan mo siya ng pera na sobra para sa pambili ng mga “materials” at i-test mo kung isasauli niya ang sukli sa iyo. Malaking bagay kung magiging tapat siya sa iyo para alam mong bata pa lang siya e hindi niya makaugalian ang pag-kick-back ng sukli. Sabi nga sa Biblia, “yung tapat sa kaunti, tapat din naman sa marami”. Ang pangit naman kung madala niya ito sa kanyang pagtanda at ang mapuntahan niya pa e yung posisyon sa gobyerno na mahilig magsubi. Nakow, siguradong successful na “corrupt government official” ang kalalabasan ng anak mo.
  5. Hindi naman kailangan na i-detalye o isulat niya kung saan niya ginastos ang pera, pero mas okay na pag-usapan ninyong mag-tatay o mag-nanay kung saan niya dinala o ginastos yung pera. Hindi naman yung tipong ini-interrogate mo siya (Hindi mo naman kailangan ng lie detector test machine. hehe…) o para kang taga COA (Commission of Audit) kung mag-audit sa kanya. Yung tamang usapan lang ng mag-nanay o mag-tatay na more of lecturing or conversation type. “Anak, may sukli pa ba yung binigay ko sa iyo? Ano bang mga binili mo?”.
  6. Tungkol sa “money allowance” ng ating mga chikiting, maigi na ganito ang gawin mo:
    Grade School - “ Daily Allowance”
    High School (Teen Agers) – “Weekly Allowance”
    College - “Bi-monthly or Monthly Allowance”

    Sa pamamagitan nito, matuturuan sila ng maaga tungkol sa “Cash Flow Management”.

  7. financial literacy for kids ad 2

  8. Maglagay ka ng mga house rules sa bahay. At the same time, maglagay ka rin ng PENALTY Box (o mas maganda kung tawagin mo itong “MERYENDA BOX”para ma-disiplina mo rin siya. Tipong pag hindi siya nagtiklop sa umaga ng pinaghigaan niya, kelangan niyang magbayad ng 10 pesos sa “Meryenda Box”. O kaya kung may maringgan na nagsalita ng “bad words” sa bahay, kailangan mahulog ng 10 pesos sa Meryenda Box yung nakapagsalita. Pero bilang magulang, dapat kasali rin kayo sa mape-penalize pag ikaw o ang asawa mo naman ang nakaiwan ng ilaw o electric fan. Masaya ‘to pag na-implement mo at marami kayo sa bahay. Sigurado e maghuhulihan kayo para lumaki ang fund ng “Meryenda Box” ninyo. Hitting 2 birds in 1 stone ito. Natuturuan mo na siya sa pagse-save ng pera, made-develop mo pa sa kanya yung mga habit na gusto mong makita sa isang masunuring bata.
  9. Mahirap ang humindi sa ating mga anak, lalu na kung nagpapa-cute siya sa’yo (with matching puppy eyes), pero bilang mga magulang, kailangan mo rin namang matutonan ang pagsasabi ng “Hindi” sa mga ilang (o madalas na) pagkakataon. At dapat alam mo kung kailan yun. Pag dating sa ating mga anak, lahat gusto nating ibigay sa kanya. Pero tandaan, “If you give everything to a child, you gave NOTHING to him/her.”, anong ibig sabihin? Ewan ko, ang ganda lang pakinggan kaya nilagay ko dito. Hahaha… Joke lang. Kung ibibigay natin lahat ng materyal na bagay para sa ating mga anak kagaya ng mga ginagawang ibang OFWs na magulang (sinabi ko din ito sa aking artikulong “Mag-a-abroad Ka Ba o Dito Na Lang sa Pinas?“), baka naman nakakaligtaan natin yung mas mahalagang bagay gaya ng “communication” at “pag-ibig”.
  10. Kailangan mo turuan ang anak mo na hindi napupulot ang pera o hindi ito napipitas sa puno sa likod ng bahay ninyo. Kung makita ng bata na nagtatrabaho ka ng mabuti para kumita ng pera, mare-realize nila ang kahalagahan ng pera as well as “hardwork”.
  11. Alam niyo ba na pinapayagan ng Bangko Sentral ng Pilipinas na makapag-open ang ating mga anak ng “Kiddie Savings” as early as 7 years old? So bilang training na rin okay rin na ma-experience agad ito ng bata para alam niya na mayroon pala siyang existing na “savings” at ma-encourage mo siya na mag-ipon ng mag-ipon habang sila’y bata pa.
  12. Kung kaya mo rin na imulat ng maaga ang anak mo tungkol sa mga investment instruments gaya ng UITF, Mutual Fund at Stocks lalung mas okay. Hindi naman kailangan i-detalye mo sa kanya, pero at least malaman niya na may ganoon pala sa mundo. Kung mayroon sila nito, nakakapag-provide din ito ng dagdag “security” sa kanila. Sa Mutual Fund, may tinatawag tayong ITF o “In-Trust-For” account na kapag inilagay mo siya bilang ITF, automatic na magiging JOINT “OR” ang account ninyo pagdating niya sa legal age na 18 years old. (Kung gusto ninyong gumawa ng mutual fund account para sa inyong mga anak, maari rin kayong tulungan ni Green Stickman™, basahin lamang ang aking artikulong “Paano Mag-open ng Mutual Fund Account?
  13. At habang maaga, imulat mo sila sa mga bagay tungkol sa Financial Literacy. Ipakilala mo agad sa kanya si Green Stickman™. Sabihin mo sa kanya na pwede siyang magtanong tungkol sa pera, pero huwag niya lang akong uutangan. Hehehe…

Hanggang dito na lang muna. Sana ay may natutunan at napulot kayong mga bagong bagay mula kay Green Stickman™.

Tandaan mas mabuti na habang maaga ay madisiplina natin ang ating mga anak sa tamang paggamit at pagtingin sa pera. Kung hindi mo sila matuturuan habang maliliit pa sila, mahihirapan ka ng turuan sila pag mga teenagers na sila. Bilang magulang, give yourself a favor. Pag hindi mo sila naturuan, kayo ring mag-asawa ang sasakit ang ulo pag dating ng panahon. At mabuti rin na habang maaga ay may pondo na siyang pera, para pagka-graduate niya ng college, may choice siya kung ano ang gusto niyang gawin sa buhay niya. Kasi kadalasan, nagwo-work at namamasukan ang isang tao dahil “NO CHOICE” siya dahil kailangan na kumita ng pera para mabuhay sa mundong ibabaw. Mas maganda na hindi takot ang ating anak sa mga bagay kagaya ng “JOB LOSS”. Sa susunod ang pag-uusapan po natin ay tungkol sa isang pinakamahalagang kayamanan na dapat mayroon tayo… ano yun? SECRET! Hanggang sa muli! :)

Kung nag-enjoy po kayo sa aking mga akda at financial advises, at kung sa tingin mo ay karapat-dapat itong i-share at malaman ng mga tao, share mo naman sa mga kaibigan mo sa Facebook at Twitter sa pamamagitan ng pagpindot sa mga buttons na ito:

Ooops, bago ko malimutan, in case na nagustuhan ninyo ang artikulong ito, at gusto niyo pang maka-tanggap ng mga artikulong may sense na kagaya nito, input nyo lang po ang inyong e-mail address sa form na nasa ibaba at si Green Stickman™ na po ang bahalang magpadala sa inyo ng mga updates.


SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Usapang Pera Para sa Mag-asawa
NEXT TOPIC: Ang Isang Napakahalagang Kayamanan na Dapat ay Mayroon Ka


May tanong ka ba o gustong idagdag? Post mo lang dito:(Kung ayaw ma-post, pwede ka pa ring mag-post sa pinaka-ibaba ng article na ito.)


Is this post helpful? If it does, please help me to publish quality articles like this. Send some donation to keep this website alive by clicking the button below:

Be a Green Stickman™ fan. Click my Facebook "like" Button Here:
To all the people who clicked the "LIKE" button of my Fan Page, THANK YOU VERY MUCH! :D