SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Ang Pagtatayo ng Sariling Negosyo
NEXT TOPIC: Usapang Pera Para Sa Mag-Asawa



Few months ago, nag-conduct ako ng survey sa aking FB page. Sabi ko, kung sumasahod ka ng “NET” salary na 40k monthly, mag-a-abroad ka pa ba? (Kung gusto mong sumali at makita ang mga sagot nila, pwede mo tingnan ang usapan nila sa LINK na ito).

Marami ang sumagot ng “hindi na” at may ilan din naman na sumagot ng “oo”. Mayroon din naman na alanganin na “oo” at “hindi” ang sagot nila depende sa sitwasyon. Kung ako ang tatanungin, ang sagot ko rin ay depende. Depende dahil hindi pare-parehas ang financial status ng isang tao at hindi rin pare-parehas ang cost of living sa isang lugar ng bawat tao. Maaaring ang 40k ay malaki na kung nakatira ka sa probinsya pero maliit yun kung nakatira ka sa mga lugar na mahal ang bilihin kagaya ng sa bandang Makati. Kami lang, ang expenses namin ay umaabot na agad sa 30k + ang expenses namin kada buwan.

Sa laki ng mga bilihin ngayon, marami tuloy sa ating mga kababayan ang gustong makipagsapalaran sa abroad. At hindi lang naman ito ang tanging dahilan kaya naiisip ng isang Pinoy ang maging OFW. Ilan sa mga dahilan kung bakit nag-a-abroad ang ating mga kababayan ay:

  1. Walang makitang trabaho sa Pinas.
  2. Kung meron man, hindi sapat ang kinikita para sa pamilya. Tipong ang sahod niya sa sa isang buwan ay 15,000 pesos pero ang total expenses niya ay 16,500 pesos. Astig ano? Nagtrabaho na nga, e nagkautang pa siya.
  3. Ang PANGARAP na maiahon ang pamilya sa hirap. Lalu na pag tinanong na siya ng anak niya (kung meron man) ng ganito:
    “Itay/Inay, bakit po tayo mahirap?”
    Ayun siguradong ramdam ang kurot sa puso kaya napakadaling magdesisyon na lisanin ang ating inang bayan kahit pa malayo pa sa minamahal sa buhay at hindi na iniisip ang maaaring peligro nito sa kanyang pag-alis.
  4. Pwede rin naman na ang dahilan e trip lang niya at sawa na siya sa pagmumukha ng boss niyang walang ginawa kundi magbida at magmalaki sa achievements niya (Baka kilala mo yung Boss niya, ang pangalan niya ay “SiAko”… siya ang bida, siya ang magaling… siya na… oo siya na.).
  5. Pwede rin na umalis ang isang Pinoy at pumunta abroad dahil depressed na siya sa mga balita na may kinalaman sa politika. Sino nga naman ang gaganahan na magtrabaho dito sa Pilipinas kung mababalitaan niyang pinagpasasaan ng anak ni Janette Napoles ang mga tax na ibinayad niya sa gobyerno? At tapos e mababalitaan mo pa na namumudmod ng pera sa Malacanang na kung sa Payatas sana pinamudmod yun noon e malulusog na sana ang mga batang malnourished dun ngayon?
  6. Sadyain na lumayo sa pamilya. Pwede ba yun? Oo meron nun. May mga taong gustong tumakas sa responsibilidad ng pagpapalaki sa anak kung meron man at kung alagain pa ito. Meron naman ang gusto e para malayo siya sa asawang bungangera. E ako man yun, kung bungangera ang asawa ko e may 3 options lang na naiisip ako. Una: matulog ka sa bubong, pangalawa e mamumundok ka na lang at sumali sa NPA. At pangatlo ay mag-abroad (Hoy Brad, kung masagwa sa isang asawang babae ang maging bungangera, e lalu namang masagwa kung ikaw na lalaki ang bungangero.hehe… )

Sorry, minor lang naman ng populasyon ang may dahilan na sinabi ko sa items 4 and 6. Ang kadalasan o ang majority na dahilan ay yung naunang tatlo.
working abroad ad 1

Bago ka mag-abroad, marunong ka bang magtimbang at magkwenta?

Hindi, hindi mo kailangang maging tindera sa palengke para matutong magtimbang. At hindi tungkol sa tindang gulay, prutas, baboy o isda ang tinutukoy ko. Ano ang kinalaman ng pagtitimbang at pagkwenta sa balak mo na pag-a-abroad? Ganito kasi, sa pagde-desisyon kailangan na marunong tayong magtimbang. Alin ba ang mas mabigat? Mas matimbang ba ang trabaho kaysa sa pamilya? Paalala ko lang, lalu na sa mga may asawa at anak na, maraming sinisirang pamilya ang pag-a-abroad. Marami na akong nasaksihang mag-asawa na naghiwalay dahil matagal ng hindi nagkikita at nauuwi sa “torotot-an” ang pagsasama. Naalala ko tuloy yung kwento ng mag-asawa, na nag-abroad yung lalaki at may isa siyang anak. Iniwan niyang buntis si Misis, after 4 years pag balik niya, 3 na yung anak nila pero wala siyang anak na kambal. Galing di ba? Magic!

Meron namang mga kaso na habang naghihirap yung nasa abroad at patay na patay sa homesickness, yung naiwan sa Pinas ay sobrang nag-e-enjoy…. na kasama pa si kumpare o kumare. Sobrang enjoy nila sa paglustay ng perang pinaghirapan ng iba. Ang masakit pag-uwi ni OFW, wala siyang makita sa lahat ng pinadala niya kahit malaki ang pinapadala niya.

Mas mahalaga ba ang pera kaysa pamilya? Siyempre hindi. Dapat mas mahalaga ang pamilya kaysa pera. May pera ka nga, nasira naman ang pamilya mo, wala rin.

“Teka, Green Stickman™, bakit mo nasabi na kaya ako nag-abroad e mas matimbang ang pera kaysa sa pamilya ko e para sa kanila nga yung pera na pinagta-trabahuhan ko? At handa akong mag-sakripisyo para sa kanila.”

Mabuti kung ganoon ang layunin mo. Pero kahit gaano kabuti ang layunin, dahil magkalayo kayo, malaki ang chance na matukso kayo na maghanap ng iba. Alalahanin mong ang pagiging mag-asawa ang kauna-unahang sinisira ni Satanas mula pa sa panahon ni Adan at Eba. Aminin natin sa ating mga sarili… naghahanap ng kayakap ang isang taong may asawa na. Marami na akong nakitang mag-asawa na nasira ang pagsasama dahil magkalayo sila. Maraming cases na si “Misis” ay nakipaglaro ng apoy kay “Kumpare”. At si “Mister” naman ay nag-“Feeling single” sa abroad. And Vice-versa.

Tandaan, may ilang bagay ang iiwan mo na hindi basta kayang bayaran ng salapi. Ito yung mga bagay na “intangible” at “priceless”. Ang masubaybayan mo ang paglaki ng anak. Ang ma-protektahan mo ang iyong asawa sa mga oras na kailangan ka niya. Ang nandun ka sa tabi ng iyong asawa sa oras ng kanyang panganganak. Etcetera, etcetera.

Kung nakakaraos rin lang kayong pamilya at kumakain kayo ng 3 beses sa isang araw, sapat na dahilan yun para hindi ka na mag-abroad. Anong sikreto? Matuto lang tayong makuntento sa kung ano meron tayo. Pero kung talagang naiinggit ka sa marangyang pamumuhay ng kapitbahay mong nag-abroad, wala namang makapipigil sa iyo kundi ang sarili mo lang.

Mag-a-abroad ka? Di ka na talaga magpapaawat?

Para sa marami, “Dream Come True” ang makapagtrabaho sa ibang bansa. Pero tandaan natin, hindi lahat ng nag-a-abroad ay sini-swerte. Yung iba malas din na kung hindi umuuwi ng “walang ipon” e minsan inuuwi naman ng naka-kahon. Oo, as in tsugi. Hindi kita tinatakot, realidad ito kapatid.

Akala lang ng mga kapitbahay niya e “Big Time” siya pag umuuwi. Pero ang totoo, kung may option lang na dito na lang sa Pinas tumira, e yun ang pipiliin niya. Hirap kaya ng malayo sa pamilya.

Pero dahil mukhang no choice ka na talaga at decided ka ng mangibang bansa (oo na, alam ko, gusto mong makaahon na sa putik at hirap…) ang maitutulong ko na lang sa iyo ay bigyan ka ng kaunting payo bago ka maging “Bagong Bayani ng Bayan”. (background music: Kanta ni Nora Aunor “Bagong bayani na ang sandata ay luha…bigyan naman ninyo kami kahit… Na kaunting awa…”). Naks!

Bago ka magdiwang at matuwa dahil makaka-abroad ka na. Problemahin mo muna yung mga initial na bayad mo bago ka makaalis. Dapat aware ka na mayroon kang expenses na:

  1. Placement Fee -Na hindi dapat na mas malaki pa sa isang buwan ng iyong magiging sweldo. Pero take note, para sa mga Domestic Helpers, dapat walang FEE na ganito.
  2. Mandatory Contributions – Mga contributions ito na base sa ating batas kagaya ng contribution sa PAG-IBIG at PHILHEALTH.
  3. Seminar Fee ng PDOS – Ito yung orientation seminar para sa “Pre-Departure” na may halagang 100 pesos kada ulo (ewan ko lang 100 pa rin ngayon).
  4. OWWA Membership – Ito yung para sa 2 year membership mo sa Overseas Workers Welfare Administration na nagkakahalaga ng $25 USD. Bakit dollar? Ewan ko. Basta fixed yan, iko-convert mo na lang sa kung ano ang current na value ng piso kontra dolyar. :)

Lahat ng mga babayaran mo e nasa OEC o yung tinatawag na Overseas Employment Certificate. Ito yung receipt na hahanapin ng Immigration bago makaalis ang isang nagbabalak na maging OFW. Kung wala ka nitong OEC na ito, hindi ka makakaalis basta basta

Pwera pa dito yung ibang bayarin at lalakarin mo para sa:

  1. Passport – Minimum of 1000 pesos wala pa ditto yung gastos mo sa pamasahe at meryenda mo.
  2. Medical Exam – Syempre kailangan healthy ka bago umalis, siguro magagastos mo dito e mga 1000 din kasama na ang pamasahe at pagkain mo.
  3. NBI Clearance – Mga 500 siguro kasama na yung food at transpo allowance mo depende kung saan mo ito kukunin.
  4. Working Visa – Depende ang presyo ng processing sa kung anong bansa ka magwo-work.
  5. Ito e kung malapit ka lang sa Manila. Paano kung galing ka pa sa Visayas o Mindanao? E di air fare pa lang para makarating ka ng Manila e gastos na rin agad. Paano pa yung tutuluyan mo? Yung pagkain mo habang naghihintay? Mabuti kung may mabait kang kamag-anak na pwedeng mag-accommodate sa iyo. Paano kung wala?
  6. At tandaan mo kung sakaling makaalis kayo, mayroon pang mga “HIDDEN COST” pagdating mo mismo sa bansang pupuntahan mo dahil sa mga buwiset na “Brokers” kagaya ng ginagawa ng mga brokers sa bansang Taiwan na nagdi-dictate ng amount na ganito. Magkano? Mga minimum e 60k lang naman. Pero kahit na hindi dapat ganito, pumapayag yung kababayan natin na magbigay sa mga brokers na ito para lang matuloy siya sa pagpunta sa ibang bansa.

Sa lahat ng mga gastos na ito, swerte na ang isang OFW kung ang gastos mo sa mga ito e mababa sa 20k pesos. At swerte mo rin kung matinong recruitment agency ang napuntahan mo. E paano kung mga manloloko at bogus na recruiters ang mapuntahan mo? Ingat po kayo sa mga ganito mga kababayan. Marami tayong mga kababayan na nabibiktima ng mga illegal recruiters na kadalasan e naloloko ng mula sa 100,000 to 300,000 pesos. Di bale sana kung yung amount na ito e “Extra Cash” lang ng isang gusto magtrabaho abroad. Ang masakit, ipinangutang lang din nila ito. Yung iba nagbebenta pa ng kalabaw, lupa at ibang ari-arian para lang may maipambayad sa mga gastusing ito upang makaalis siya.

So, nakita mo na? Di ka pa sumasahod sa ibang bansa e nabaon ka na agad sa utang.

working abroad ad 2

Green Stickman™ Guidelines sa mga nais maging OFW:

  1. RESEARCH. RESEARCH. RESEARCH. Bago ka magpunta o magbalak na mag-abroad, itanong mo kay “Mang Google” ang lahat ng detalye ng bansang pupuntahan mo. Baka naman yung salary na matatanggap mo e sobrang kulang pa sa pambili mo ng ticket para makauwi ka pabalik sa Pinas. Alamin mong mabuti ang cost of living expenses sa lugar na pupuntahan mo. Maghanap ka rin ng groups sa Facebook para makibalita ka sa mga Pinoy at Pinay na nandoon na sa lugar na pupuntahan mo.
  2. Huwag kang sunggab ng sunggab ng offer ng recruitment agencies! Check mo munang mabuti ang amount of salary mo versus sa cost of living. Alamin mo ang lahat ng iyong expenses pati na ang conversion rate ng pera mo.
  3. Bago ka umalis, dapat i-clear mo sa buong pamilya yung goal mo bakit ka mag-a-abroad. Hindi pwede yung sasabihin mo lang sa kanila: “Para sa inyo ito kaya ako mag-a-abroad”. Hindi dapat ganito. Dapat kumpleto ang plano. Gumawa ka ng time table. Hanggang ilang taon ba ang target mo?
  4. Kung aalis ka, dapat clear din kung ano ang monthly expectation ng pamilya mo. Magkano ba ang ipapadala mong pera kada buwan? Alamin mo ang gastos ng pamilya mo kada buwan bago ka umalis. Ito ang magiging benchmark mo. Kung dati ay nakakaraos sila sa 10,000 pesos kada buwan, dagdagan mo na lang ng kaunti at hayaan mong itabi yung iba pang pera mo. Kadalasan, sakit ito ng mga OFW, padala ng padala sa mga pamilya nila ng sobrang daming pera kasi iniisip nila na pwede nitong ma-compensate ang pagkukulang nila sa asawa at anak nila habang nasa abroad siya. Okay lang naman na bigyan mo sila at paginhawain ang kanilang pamumuhay. Pero huwag mo silang sanayin sa “marangyang” pamumuhay, at baka sila mawili.
  5. Kung ikaw ang OFW, bilinan mo yung maiiwan na imbes na mga appliances ang bilhin ay mag-aral kung saan maaaring i-invest ang pera na ipapadala mo. Maraming investment instruments na pwedeng paglagyan. Pwede mo itong ipasok halimbawa sa UITF, Mutual Fund, Stocks, at marami pang iba.(Kung gusto mo mag-open at magsimulang mag-invest sa mutual fund e pwede kitang matulungan kahit nasa abroad ka pa. Just post a comment at the end of this article or you send me a PM on my page just click and like my official FB page HERE )
  6. Kung mag-a-aborad ka, sa totoo lang, matagal na yung 5 taon sa ibang bansa. Lalu na kung bagong kasal ka o masyado pang bata pa ang anak mo. Kapatid, hindi mo na mababalik ang panahon. Kung may anak kang baby, samantalahin mo yung mga oras na pwede mo siyang halikan sa lips. Dahil darating at darating ang panahon ng paglaki niya, hinding hindi mo na ito magagawa sa kanya dahil “awkward” na mag-kiss ka pa sa kanya kung 10 years old na siya di ba? Yung iba nga 7 years old pa lang, nahihiya na yung bata humalik e. Samantalahin mo sana ito.
  7. Kung uuwi at magbabakasyon ka naman, huwag kang masyadong galante. Hindi mo obligasyon na mag-uwi ng mga tsokolate, alak, laruan, damit, sapatos at kung anu-anong gadgets. Alam mo naman kung gaano kahirap kitain yung pera sa abroad di ba? At sinakripisyo mo na malayo sa pamilya mo.
  8. Pag may umutang sa iyo na mga kaibigan at kamag-anak dahil akala nila e “Big Time” ka na, tumanggi ka kung makakatanggi ka. Maigi basahin mo yung artikulo ko tungkol sa Pagpapa-utang sa mga Kamag-anak at Kaibigan.
  9. Huwag ka mag-over spend! Hindi komo kumikita ka na e magbubuhay hari ka naman. Baka naman maubos agad ang mga naipon mo. Magagawa mo ito kung iiwas ka sa tukso ni “GustoKoNiyanBilhinMoNa”. Hindi mo siya kilala? Basahin mo sa aking artikulong Matutong Mamaluktot Kahit Mahaba ang Kumot. Doon mo rin malalaman kung paano mo siya malilinlang.
  10. Kung marami-rami na ang ipon mo, huwag mo muna basta ibili ng bahay (Basahin mo yung artikulo kong: “Bibili Ka Ba Ng Bahay o Mangungupahan Na Lang?“) o kotse (Basahin mo din yung artikulo kong “Bibili Ka Ba ng Brand New Car o 2nd Hand Na Lang?“). Hindi ito ang dapat na maging priority mo. Huwag kang magbibili ng mga bagay na hindi naman nag-a-appreciate ang value.

Hanggang dito na lang muna. Sana ay may natutunan at napulot kayong mga bagong bagay mula kay Green Stickman™.

Tandaan mahirap ang kumita ng pera, pero mahirap din ang malayo sa iyong pamilya. Kailangan lang ay marunong kang magtimbang ng mabuti sa mga ito. Kung desidido ka na mag-abroad at nagkaroon ka ng chance, hindi masama na i-grab mo yung opportunity pero make sure na mayroon kang GOAL kung kailan ka hihinto sa pagiging OFW. Sa susunod ang pag-uusapan po natin ay tungkol sa finances ng mag-asawa.

Kung nag-enjoy po kayo sa aking mga akda at financial advises, at kung sa tingin mo ay karapat-dapat itong i-share at malaman ng mga tao, share mo naman sa mga kaibigan mo sa Facebook at Twitter sa pamamagitan ng pagpindot sa mga buttons na ito:

Ooops, bago ko malimutan, in case na nagustuhan ninyo ang artikulong ito, at gusto niyo pang maka-tanggap ng mga artikulong kagaya nito, input nyo lang po ang inyong e-mail address sa form na nasa ibaba at si Green Stickman™ na po ang bahalang magpadala sa inyo ng mga updates.


SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Ang Pagtatayo ng Sariling Negosyo
NEXT TOPIC: Usapang Pera Para Sa Mag-Asawa



May tanong ka ba o gustong idagdag? Post mo lang dito:(Kung ayaw ma-post, pwede ka pa ring mag-post sa pinaka-ibaba ng article na ito.)


Is this post helpful? If it does, please help me to publish quality articles like this. Send some TIPS to keep this website alive by clicking the paypal button or sending Bitcoins to BTC address below:
paypalbtc
3HwMMYfNSWYSCa7fPtBoWKtW8mt9i6cpoe
btc
Click the QR Code or text above to copy the BTC Address.


OR better if you could support this website by buying my book (This is available both on paperback and e-book version)! A true Green Stickman avid reader would definitely have this one. Limited copies only for the paperback! So make sure to grab your copy.