Lazada Philippines
SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Ang Pagpapa-utang sa Kamag-Anak at Kaibigan
NEXT TOPIC: Ang Pag-Iwas sa mga Modern Financial Scams



Sabi sa kasabihang Tagalog: “Habang maiksi ang kumot, matutong mamaluktot.”. Tama naman ito. Ibig sabihin lang ng salawikaing ito, kailangan mong magtiis at magtipid ayon lang sa kung ano mayroon ka. Adjust in your lifestyle kung ano lang ang kaya ng sahod mo. Yung iba kasi komo tumataas ang sahod, tumataas din ang lifestyle na gusto. Dati naman siyang umiinom ng 3-in-1 na kape na tig-si-siyete (Php 7) pero komo kumikita na e, ang minimum requirement ata niya ay kape sa starbucks (Php 150.00). Dati naman siyang kumakain sa Jolli-jeep at carinderia para makatipid pero ngayon panay ang kain sa mga fast food na ang minimum na presyo ng isang rice meal ay Php 120.00. Bakit ganito? Bakit bumibili at kumakain ang isang tao ng mga bagay (at pagkain) to the extent na hindi na siya nakakapag-save ng kahit anoman? Tatlong bagay lang ang nakikita ko. Una malamang ay dati niya itong hindi natitikman. Galing siya sa pamilyang mahirap na sabik sa mga bagong bagay na hindi niya nabibili at natitikmaan noon. Kaya naman noong kumikita na siya ay gusto niyang masubukan lahat. Okay lang naman kung minsan minsan lang pero kung lagi na lang, hindi na ‘tikim’ ang tawag dun. Pangalawang bagay na nakikita ko ay yung pagpapataas ng “self-esteem”. Bumibili siya ng bagay para maging “in” at ma-satisfy yung “monster” na nasa loob niya. Anong monster yun? Tawagin natin ang halimaw na ito sa pangalang: “GustoKoNiyanBilhinMoNa“. Ang bawat isa sa atin ay mayroong “monster within” sa ating mga pagkatao. Tuwing makakakita ka ng isang bagay na maganda o masarap, bibisitahin ka niya at sasabihin sa’yo na:

“Sige na bilhin mo na, minsan lang naman e… Tingnan mo! Naka-SALE pa naman siya ngayon. Baka bukas pagbalik mo wala na yan. Ikaw rin, madadagdagan ang ganda/pogi points mo pag mayroon ka niyan… Kaya bilhin mo na.”

Makulit si GustoKoNiyanBilhinMoNa monster habang nakatayo ka sa tapat ng item na natitipuhan mong bilhin e uulit-ulitin niya sa’yo yang mga sentences na yan ng mga 27 times. Pag wala siya sa mood mga 12 times lang. Haha… Joke lang. Pero totoo, palagi siyang bubulong sa’yo hanggang sa mapilit ka niya na bumili at gumasta. And before you know it, ayun nagtagumpay na siya.

Tama na ang usapang halimaw, tuloy na natin… At ang pangatlong bagay na nakikita ko kaya gumagasta ng ganito ang ibang tao ay ang kawalan ng self-control o disiplina dahil sa kakulangan ng tamang kaalamang financial. Kung mayroon ka lang kasi nito, madali na rin para sa’yo para mapa-amo mo si GustoKoNiyanBilhinMoNa at mapasunod mo siya sa iyo.
—————————————————————————————————————-

Kung natatandaan mo sa kauna-unahan kong artikulong Tagalog na “Budget 101“, tinuruan ko kayo kung paano ang tamang pagba-budget ng pera. At binanggit ko na dapat ay magkasya ka lang sa kung anong matira mula sa “Income minus Savings” mo.
Kung hindi mo pa rin nasususbukan magtabi kahit na 10% ng iyong kita, kada sahod mo, may malaking problema ka.

Kung halimbawa naman na nakakapagtabi ka ng 10% ng iyong kita, subukan kaya nating i-refine?. Kung dating nakakapagtabi ka ng 10% ng kita mo, bakit di natin gawing 15%? o 20% kaya? May mga kakilala ako na nakakapag-save ng 50% ng sahod nila. Ang tanong, paano nila nagagawa ito? Iyon ang ating aalamin at pag-uusapan.


Living ‘within’? o Living below your means?


Una sa lahat kailangan nating ma-establish ang prinsipyong ito, at gusto kong tumatak ito sa ating mga kukote (Sinabi kong “atin” dahil kailangan kong paalalalahanan maging ang mismong sarili ko) na:

“Kung hindi mo kayang bilhin o bayaran ang isang bagay ng “cash”, huwag na huwag mo itong bilhin”.

Teka, pwede ba yun? Pwede mo bang mabili ang isang bagay na wala ka namang pambili? Mukhang malabo ano? Pero tama yan dahil pwede at mabibili mo ang gusto mo kahit wala kang cash sa pamamagitan ng paggamit ng credit card. Sa pamamagitan kasi ng iyong credit card ay maiuuwi mo ang mga gadgets o appliances na gusto mo. Pwede ka ring kumain sa mga resto gamit lang ang card. Ang kaso ay ito, nabili mo nga yung gusto mong item at nakakain ka nga pero kasabay nito ay nagkaroon ka rin ng “instant utang”.

May kwento ako. totoong pangyayari ito. May isang lalaki na nagkaroon ng isang credit card. Sobrang excited at tuwang-tuwa siya sa paggamit ng credit card dahil nakakaya niyang bumili ng wala siyang hawak na pera at papirma-pirma lang siya sa mga “slips”. Bili dito, bili doon at talagang ini-enjoy niya ang kanyang purchasing power. Pero gaya ng inaasahan, yung maliliit niyang utang ay lumaki ng lumaki. Alam niyo ang ginawa niya para mabayaran ang utang niya? Kumuha siya ng isa pang credit card. Nag-cash advance siya para mabayaran yung utang niya sa unang card. Nabayaran niya pero hindi niya pinasara. Ngayon ay may dalawang card na siyang mine-maintain. At hindi niya rin mapigil na gamitin ang unang card. At umabot ang utang ng lalaking ito sa halagang 500,000 pesos at umabot din sa 4 na credit cards ang hawak niya dahil parehas ang istilo ng ginawa niya sa unang card. Alam ninyo kung ilang taon lang siya? 25 years old. Isipin niyo na lang na yung bigat ng pagbabayad ng utang na Php 500,000 para sa isang 25 years old.

Anong moral lesson ng story? Balik tayo sa sinabi ko ng una. “Huwag mong nasain na bilhin ang isang bagay na hindi mo kayang bayaran ng ‘cash’.
living below your means ad 2

Dati naman kaya mong mabuhay ng walang credit card di ba? Kaya dapat na mamuhay ka lang sa kung anong kaya ng sahod mo. “Live within your means”. E paano naman yung “live below your means”? Ku-kwentuhan ko kayo ng isa pang true-to-life story…

May isang lalaki na nabaon sa utang niya sa credit card.(kamukha ng kwento ko sa taas kanina); pero dumating siya sa punto na gusto na niyang-i-settle lahat ng utang niya. Ang ginawa niya, para makabayad ng utang ay nag-adjust siya ng kanyang lifestyle at naging sobrang tipid. Dumating siya sa punto na halos 50% ng kita niya ay pinambabayad niya lang sa utang at yung other 50% ay para sa kanyang mga daily expenses. Inabot siya ng halos 2 taon para makumpleto at matapos ang utang niya. Awa naman ng Dios ay na-settle naman niya ito. Ang ganda ng istorya di ba? Pero may mas maganda pang nangyari sa kanya after ng 2 taon na pagbabayad niya. Na-realize niya na yung 50% na dati niyang ipinanghuhulog sa utang ay sa savings na niya napupunta. Dahil nakita niya na sapat na yung other 50% ng sahod niya para mabuhay siya. Hindi na siya nabubuhay “within” sa means o sa kanyang kaya kundi namumuhay na siya ng “below” o mas mababa pa sa kaya niya. Ang galing di ba?

Pero hindi natin kailangan na gayahin yung ginawa niya na kailangan niya pang magbayad ng utang para matutunan ito. Matuto na tayo sa kanya. Mamuhay tayo ng mas mababa pa sa ating kaya. Magtipid tayo hanggat maari. Parang ganito halimbawa, kung sa gabi sa pagtulog ay naka-aircon ka, mamamatay ka ba kung patayin natin ang aircon at mag-electric fan ka na lang? Kung ang sagot mo ay “Hindi”, gawin mo. Patayain mo ang aircon at siguradong malaki ang matitipid mo kada buwan. Kung hindi ba kayo kumain sa labas pag weekend ay mamamatay ang buong pamilya mo? Kung ang sagot mo ay “Hindi.” bawasan nyo yung pagkain-kain sa labas. Siguro kung dating every week nasa mall o sa resto kayo kumakain, ba’t di mo gawing once a month? Imagine ang laki ng matitipid mo pag ginawa mo yun. Ma-trabaho lang at makalat sa kusina pero nakatipid ka naman at na-enhance ang cooking skills mo.


Living within and below your means requires sacrifice


Oo, mahirap. Hindi madaling maghigpit ng sinturon lalu na kung alam mo na pwede namang luwagan. Ibig kong sabihin, mahirap magtipid kung nakikita mong may hawak ka na perang pwede namang gastusin. Pero magtiwala ka sa akin. Maniwala ka sa “delayed gratification” kapatid. Mas mag-eenjoy ka kung sanay ang katawan mong mamuhay ng simple at ang best part noon ay makakapag-save ka ng malaki para sa hinaharap. Que kumikita ka sa trabaho o may sariling business, maglaan ka ng pera para sa iyong “retirement” dahil hindi permanente ang lakas natin. Si Moises lang ang kilala kong tao na nabuhay at tumanda na hindi nabawasan ang lakas.

Okay lang yung magtiis ka ngayon at mag-enjoy pagtanda mo. Kaysa naman mag-enjoy ka ngayon at maging miserable at puno ng pagtitiis ang buhay mo pagtanda mo. Marami akong kilalang ganito. Noong malalakas at bata pa sila, kung makalustay ng kayamanan ay wagas. Noong tumanda, ayun, sobrang hirap ng kalagayan. May sakit dahil sa katandaan pero hindi makabili ng gamot. Maswerte ka kung may mga lilingap sa’yo na mga kamag-anak mo pag tumanda ka. Paano kung wala?
living below your means ad 1


Green Stickman™ Tips to live below your means:

  1. Kung nagta-trabaho ka sa lugar na mataas ang presyo ng pagkain gaya ng Makati, bakit hindi ka magbaon? Mas healthy na, mas may savings ka pa. Eh ano kung di ka makasabay sa kanila sa pagkain sa labas? Mamamatay ka ba? Kung ang sagot mo ay “hindi”, puwes magbaon ka.
  2. Bago ka bumili ng isang bagay, tanungin mo muna ang sarili mo: “Kailangan ko ba ito o gusto ko lang?” . Kung ang sagot mo ay: “Oo, kailangan.”, walang duda, bilhin mo na. Pero kung ang sagot mo ay “Hindi, gusto ko lang”, teka muna, huwag mo muna bilhin. Kadalasang yung mga bagay na “gusto” mo lang ay yung mga bagay na mabubuhay ka kahit wala ang bagay na yun sa buhay mo. Applicable din ata ito sa asawa. Kung napapakanta ka ng:

    “I can’t live… If living is without you…”

    ng Air Supply (in high notes!) o kaya yung Tagalog song na

    “Kailangan kita… ngayon at kailanman… Kailangan mong malaman na ikaw lamang…”,

    walang duda, kailangan mo nga siya (Huwag mong kakantahin ang mga kantang ito kung kailangan mo lang siya dahil sa pera! Please lang, huwag mong babuyin yung kanta. Ang dapat na kanta mo ay yung “Material Girl” ni Madonna). Pero kung gusto mo lang dahil pogi o maganda siya, hindi long lasting at hindi long term yan kapatid. Tandaan, kung gusto mo lang ang isang bagay o isang tao, pwede kang mabuhay kahit wala ito o siya. Oopps, ba’t napunta tayo sa usapang puso? Next!…

  3. Kung naririnig mo na bumubulong na si GustoKoNiyanBilhinMoNa, kausapin mo siya. Hindi naman kailangan na sabihin mo sa kanyang “hindi pwede”. Ang sabihin mo sa kanya ay ito: “Okay, bibilhin natin yan, pero pag-iipunan muna natin. Hindi tayo gagamit ng Credit Card o uutang para mabili yan ok?”.
  4. Para hindi ka na maudyukan ni GustoKoNiyanBilhinMoNa na gamitin ang credit card mo, kunin mo yung credit card mo sa wallet mo. Tapos kumuha ka ng gunting. Gupitin mo sa gitna. Huwag kang mag-alala, hindi ka nakapatay. At list di mo na siya magagamit sa mga malls.
  5. Kung gusto mo na talagang bilhin yung bagay na “gusto mo lang” at hindi mo naman talaga kailangan, pag-ipunan mong mabuti hanggang sa kaya mo na siyang bilhin in ‘cash’.
  6. Kung maipon mo na yung pambili sa item, ito na ang panahon para linlangin ang alaga mong halimaw. Sabihin mo sa kanya na: “Teka, hindi pa naman natin kailangan ‘to, lagay muna natin sa ibang investment instrument para mas kumita at lumaki pa yung pera.”. Tandaan mo na ikaw ang dapat na masunod at hindi siya.
  7. Ang paraan para makapamuhay ka ng mas mababa sa iyong kaya (to live below your means) ay bawasan mo lahat ng mga “unnecessary expenses” mo. Alisin mo na yung yosi mo. Mas healthy na, makakatipid ka pa. Alisin mo yung mga “extra expenses” mo sa chocolates, chips, candies, at lahat ng kagaya nito. Isipin mo na lang din na mahal na magpa-dentista ngayon (Pero siyempre, magpa-check up ka rin regularly okay?)
  8. Inspect mong mabuti kung anu-anong gadget ang mayroon ka. Kung may internet ka na sa iyong mobile phone, bakit magpapakabit ka pa ng Broad Band sa bahay? Kung may laptop ka naman, bakit kailangan mo pa bumili ng tablet? Kung may smart phone ka naman, bakit kailangan mo pa rin ng tablet? Gusto mo ng tablet? Bili ka ng Cortal (meron pa ba nito?). Piliin mong mabuti kung ano ang fit na gadget para sa iyo. Huwag kang bumili ng gadget para lang masabi na “in” ka o nakasabay ka sa uso. Mas magastos ang mamuhay sa panahon ngayon ng modern technology kaya maging wise ka din naman sa pagbili sa mga ito.
  9. Subukan mo ang balanced money formula na ito:30% – WANTS
    20% - SAVINGS
    50% – NEEDS

    Sa mga NEEDS mo, syempre dapat nakahanda ang pambayad mo para tubig, kuryente, bahay, pagkain, telepono, at iba pa.

    Sa mga WANTS mo naman ay yung lahat ng iba pang gastos mo kagaya ng pagkain sa labas, panonood ng mga concerts, pagbili ng mga gadgets para maging “in”, at maraming marami pang iba.

    Okay ito kung gusto mo ng “living within your means”. Pero kung “living below your means”, ibang formula dapat. Pwede mong gawing 10% – Wants, 50% – Needs and 40% – Savings. Kung kaya mo nga, abolish mo na yung 10% ni Wants e. Para magaya mo yung ginawa nung lalaki sa ikalawang kwento ko.

  10. Siya nga pala, huwag kang mainggit sa posted pictures ng mga FB friends mo na nagbabakasyon kung saan saan. O kaya nag post sila ng bagong kotse o bagong bahay. Baka bumisita sa’yo yung mainggiting halimaw na si “GustoKoDinNiyan“. Huwag kang mag-alala, makakapunta ka rin doon at makakabili ka rin niyan, basta unahin mo ang dapat mong unahin. Buoin mo ang iyong emergency fund. At planuhin mong mabuti ang mga short term at long term goals mo.
  11. At kung hindi mo talaga mapigilan ang sarili mo sa pag-gasta at pagbili ng mga gusto mo, humanap ka ng isang kaibigang mapagkakatiwalaan mo na pipigil sa iyo na gumastos. So huwag mong pipiliin yung kaibigan mong walang ibang alam sabihin sa’yo kundi “Go girl!” o kaya “Astig yan tol!”

Habang maiksi ang kumot, matutong mamaluktot. At kung lumaki na ang kumot, mamaluktot ka pa rin. Para kung may ibang nilalamig, maitatabi mo pa rin siya sa iyo. Wala namang nagsabi na 1 kumot para sa isang tao di ba? Paano kung 5 kayo sa iisang kumot? Para magkasya at lahat ay hindi lamigin, subukan ninyong mamaluktot para magkasya kayong lahat. At ang best solution? Mag-akapan kayong lahat sa ilalim ng iisang kumot (Syempre hindi kasama si kumpare o kumare sa kumot na pinag-uusapan natin!). Puro kumot ang usapan. Anong analogy? Yung kumot o bed sheet ang spreadsheet ng iyong budget (o ha, parehas sheet!). Ang pamamaluktot ay ang iyong pagtitiis at pagtitipid.

Hanggang dito na lang muna. Sana ay may natutunan at napulot kayong mga bagong bagay mula kay Green Stickman™.

Tandaan, mahirap ang kumita ng pera. Kaya kung kailangan mong magtipid at magtiis para makapag-ipon gawin natin. Subukan nating mamaluktot kahit pa na may mahabang kumot.

Kung nag-enjoy po kayo sa aking mga akda at financial advises, at kung sa tingin mo ay karapat-dapat itong i-share at malaman ng mga tao, share mo naman sa mga kaibigan mo sa Facebook at Twitter sa pamamagitan ng pagpindot sa mga buttons na ito:

Ooops, bago ko malimutan, in case na nagustuhan ninyo ang artikulong ito, at gusto niyo pang maka-tanggap ng mga artikulong may sense na kagaya nito, input nyo lang po ang inyong e-mail address sa form na nasa ibaba at si Green Stickman™ na po ang bahalang magpadala sa inyo ng mga updates.


SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Ang Pagpapa-utang sa Kamag-Anak at Kaibigan
NEXT TOPIC: Ang Pag-Iwas sa mga Modern Financial Scams


May tanong ka ba o gustong idagdag? Post mo lang dito:(Kung ayaw ma-post, pwede ka pa ring mag-post sa pinaka-ibaba ng article na ito.)



Is this post helpful? If it does, please help me to publish quality articles like this. Send some donation to keep this website alive by clicking the button below:

Be a Green Stickman™ fan. Click my Facebook "like" Button Here:
To all the people who clicked the "LIKE" button of my Fan Page, THANK YOU VERY MUCH! :D