Read the English Version of this article: Investing in Stocks Market



SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Ang Pag-i-invest sa Mutual Fund
NEXT TOPIC: Ang Pag-iingat sa Iyong Financial Accounts

Noong nakaraang mga artilkulo ko ay tinalakay natin ang pag-i-invest gamit ang UITF (Kung hindi pa, basahin mo muna yung artikulo kong “Ang Pag-i-invest sa UITF”). Tinalakay din natin at nagkaroon ka na rin ng idea kung paano ang mag-invest sa Mutual Fund sa aking nakaraang artikulo na “Ang Pag-i-invest sa Mutual Fund“.

Ngayon ang pag-uusapan natin ay tungkol sa investment instrument o investment vehicle na parehong ginagamit ng UITF at Mutual Fund para kumita ng malaki, ang stocks o equity. In relation sa UITF at mutual fund ito yung mga bank products na nakikita at nababasa mo na “UITF-Equity” at “Mutual Fund-Equity Fund”. Sa mga ganitong bank product, sigurado na yung bahagi ng pondo ay ini-invest o di kaya naman ay iti-ni-trade ng fund manager sa stocks market.

Ang pag-i-invest sa stocks ang isa sa pinakamagandang way para palakihin ang iyong portfolio.


Stocks Investing vs Stocks Trading, teka… magkaiba ba yun?

Maraming tao ang pag nakarinig ng salitang “mag-invest ka sa stocks” ay may karugtong agad na “takot” na baka malugi ang pera nila. Sinasabi ng iba na “delikado” o “dangerous” ang pag-invest at pagbili sa stock market. Well natural lang naman matakot ang isang tao lalu na kung wala kang idea sa bagay na ipagagawa sa iyo. Maihahantulad natin ito sa isang itim at saradong kahon na nakalagay sa harap mo at may nag-uutos na ipasok mo ang kamay mo doon sa butas ng kahon. Na hindi alam kung ang nasa loob ba ay ahas, daga, palaka… teka ba’t puro nakakatakot? Pwede naman na ang laman ng kahon ay panyo, prutas, bola, etc. Isang katotohanan ito, ang matakot tayo sa mga bagay na wala tayong idea o sapat na kaalaman.

Ito ang isa sa mga purpose kaya ko ginawa ang artikulong ito. Ang alisin ang takot at misconception patungkol sa pag-i-invest sa stocks. Kaya bago tayo mag-invest at makinig sa payo ng kung sino-sino, “the best” pa rin na mag-aral ka sa sarili mo. Anyways, life is a a continuous process of learning di ba? Kaya dapat pagkatapos mong mabasa ito ng buo ay mawala ang kamangmangan natin at takot sa pag-i-invest sa stocks. Panibagong level-up ika nga.

Okay, balik tayo sa pinag-uusapan natin. Ganito kasi yan, pag sinabing stocks investment, hindi ito nagpapatungkol sa stocks trading. Dalawang magkaibang bagay ang Stocks Investing at Stocks Trading. Sa stocks investing hinahayaan mong bumili ka ng shares of stocks ng isang kumpanya at kumikita ka sa pamamagitan ng mga dibidendo (dividends) ng binili mong kumpanya. Ang dibidendo para lang mas madali nating maintindihan ay yung bahagi ng kita mo kung kumita ang kumpanyang napili mo pagkatapos ng ilang panahon na kadalasan ay nangyayari sa pagtatapos ng taon.

Parang ganito, halimbawa ay mayroon akong kumpanya na tatawagin nating Green Stickman™ and Co. (Parang VST & Co. lang e no, pero hindi ako kakanta!) at nagtayo ako ng negosyong samalamig, at tatawagin natin ang aking produkto na “Green Stickman™’s – Green Gulaman” (O ha nag-rhyme pa!). Ngayon ang kailangan ko para makapagsimula para sa negosyong ito ay sabihin na nating 1000 pesos (exaggerate na natin) para sa mesa, ingredients, tubig, etc. Ang problema, ang pera ko lang ay 900 pesos. Nagkataon naman na mayroon kang 100 pesos na pwede mong i-invest sa akin para ako makapagsimula. Ibig sabihin mayroon kang…


[(100 ÷1,000) x 100] = 10%

10% na shares mula sa aking bagong Samalamig product. Kung kumita ako ng halimbawa ng netong(net) 100,000 pesos sa loob ng isang taon mula sa negosyo natin, ibig sabihin, 10% ng kitang ito ay mapupunta sa iyo. So roughly, makakakuha ka sa akin ng (10% of 100,000) 10,000 pesos at ibibigay ko sa’yo bilang dibidendo. Ngayon, nasa sa iyo ang desisyon kung kukunin mo ba as cash yung 10,000 pesos o idadagdag mo na lang sa share mo para tumaas ng higit sa 10% ang share mo para sa susunod na negosyo. Sa ganitong paraan kumikita ang stock investing. Lumalaki o kumikita ang pera mo sa pamamagitan ng matatanggap mo dividends pagkalipas ng ilang panahon na kadalasan ay natatanggap sa katapusan ng taon. Ang saya di ba?

stocks 101 ad 2

Ngayon, halimbawa, mula sa kita ng Green Stickman™’s Green Gulaman, naisip kong magtayo naman ng isang Pancitan (Tawagin nating “Pancitan ni Green Stickman™”) na ang halaga ng puhunan ay 5,000 pesos para sa mga mesa, gamit pang-kusina at rekado ng pancit. Ibig sabihin, ang total capital ng aking kumpanya ay 1,000 pesos para sa tindang gulaman, at 5,000 pesos para sa pancitan. Samakatwid ang total ng capital ay nagkakahalaga ng 6;000 pesos. At magkano nga uli ang share mo? Hindi ba 10%? At ilan ang 10% ng 6,000 pesos? Tama, 600 pesos. Napansin mo ba? Sa dati mong pera na ininvest na 100 pesos, ngayon ay nagkakahalaga na ito ng 600 pesos. Tumaas ang halaga ng iyong capital mula 100 pesos at naging 500 pesos. Nakuha mo na? Bukod sa dividend, may iba pang paraan para kumita ang pera mo. At ang tawag naman dito ay Capital Appreciation. Mas masaya di ba?

Ngayon, nabalitaan ng isa mong kaibigan na kumikita ang “shares” mo sa aking kumpanya. Gusto niyang bilhin ang shares mo sa halagang gaya ng unang nag-invest ka, sa halagang 100 pesos. Papayag ka ba? Kung nasa matino kang pag-iisip, syempre hindi. Dahil alam mo na mas malaki na ang halaga nito ngayon. At ang share mo na ito ay nasa halagang 600 pesos na. Sabi sa’yo ng kaibigan mo, sige bibilhin ko yan ng 600 pesos, ibigay mo lang sa akin ang shares mo. Papayag ka na? Siguro medyo o-oo ka na no? kasi kumita ka na naman na sa dividends mo at tubo na ang pera mo sa capital mo. Ang kaso, noong ibebenta mo na siya, dumating yung isa mo pang kaibigan na “willing” o payag na magbayad sa iyo ng 1,000 pesos para sa shares mo. Maaari kasing nakita ng kaibigan mo na ito ang malaking “potential” sa market ng aking kumpanyang Green Stickman™ & Co. kaya gusto niya itong bilhin kahit mas mahal pa sa current price niya. So bebenta mo na? Nasa sa iyo na ngayon ang desisyon sa parteng ito. Siguro kung nakikita mo rin ang potential sa market ng aking kumpanya, hindi mo ba basta ibebenta. Pero in case na kailangang kailangan mo na talaga (pwedeng dahil sa emergency o di kaya ay sobrang taas ng bid ng ilang kaibigan mo), at least mas malaki na ang makukuha mong halaga mula sa capital na inilabas mo.

Dito ay makikita mo ang halaga at ang malaking pagkakaiba ng “real value” at perceived value”. Ang real value kung tatagalugin natin ay yung tunay na halaga ng shares mo. Sa halimbawa natin, ito ay yung 100 pesos na inilabas mo sa umpisa. Ang perceived value naman ay yung halaga o presyo na ibinibigay ng willing na bumili ng shares mo. Sa halimbawa natin, ito yung 700 hanggang 1,000 pesos na offered bid price ng mga kaibigan mo sa iyo. Kung mapapansin mo, ang perceived value na ito ay related sa “law of supply and demand”. Dahil marami ang nagdedemand (high demand) sa iyo na ibenta mo ang shares mo na hindi basta-basta mabibili ng iba (low supply), ang tendency ay tumaas ang presyo nito ng mas malaki kaysa sa nararapat nitong halaga. At bilang seller, syempre papayag ka lang syempre doon sa ang bid ay sobrang laki na talaga.

Ngayon alam na natin ang tungkol sa stocks investing. Na kumikita ito sa pamamagitan ng dividends at capital appreciation. E ano naman yung stocks trading? Ito ang huwag na huwag mong papasukin kung bago ka palang sa stocks dahil baka maging “first blood offering” ang pera mo. Ipaubaya mo ito sa mga talagang “traders” na ang trabaho sa loob ng 8 oras ay makipag-trade at mag-monitor ng stocks market.

Ito rin ang pangunahing dahilan kaya marami ang natatakot na mag-invest sa stocks. Sa pag-aakala na ang stocks investing at stocks trading ay parehas lang. Ano ang pinagkaiba? Sobrang laki. Sa stocks investing bumibili tayo ng stocks at hinahayaan nating kumita sa pamamagitan ng dividend at capital appreciation. Hianhayaan natin ang pera ng matagal na panahon para lumago ang nasabing stocks. Sa stocks investing, long term dapat ang mind set. As in kung maaari, walang hugutan o withdraw-han ng pera. Samantalang sa stocks trading, transient lang. As in super short term. Na maaring binili mo ngayon, bukas benta mo na pag kumita na o biglang tumaas yung halaga ng binili mo. As in mabilisan na buy and sell. Kaya kung sasali ka sa mga forum ng mga sumasali sa stocks na “trading” ang forte, palagi kang makakabasa ng mga “hula” analysis. Ibig sabihin hinuhulaan nila kung tataas ba o bababa ang halaga ng binili nilang stocks. Mahalaga ito na malaman para alam nila kung kailangan na ba nila mag-sell ng nabili nilang stocks. Pwede nating sabihin na ang stocks trading ay more of speculation o hula-hula dahil hindi mo talaga alam kung ano ang actual na mangyayari sa kinabukasan pero may kapiraso kang idea kung ito ba ay bababa o tataas base sa data history ng company na mayroon ka at kung may malaking experience ka na sa stocks trading. Kaya kung baguhan ka, at umaasa sa forecast ng ibang traders, maawa ka sa sarili mo. Tigilan mo yan at maging happy ka na muna sa stocks investing. Lalu na kung nagtatrabaho ka, magfocus ka sa work mo para kumita ka ng kumita para magkaroon ka ng maraming pang-invest at pangbili ng kumpanya. Kumbaga, magtrabaho ka para sa pinapasukan mong kumpanya at bumili ka ng mga kumpanya na maganda ang performance sa market.

Imagine-in mo kung nagtatrabaho ka halimbawa sa Jolibee bilang isang ordinaryong waiter o cashier. At habang nagta-trabaho ka, ay nakakaipon ka naman. At yung extrang ipon mo ay pinambibili mo ng stocks ng Jolibee. Siguro pag sinabi mo sa mga kasamahan mo sa trabaho na may share of stocks ka sa Jolibee sasabihin nila sa’yo na nangangarap o napa-praning ka na. Tapos saka mo pakita mo yung mga stocks certificates mo para lumaglag ang panga nila (sigurado nganga sila…). Hindi naman kasi ito imposible basta ma-tiyaga kang mag-ipon, may disiplina, at mag-invest ka lang, mabibili mo yung mismong kumpanya na nagpapasahod sa’yo. Super cool di ba?
stocks 101 ad 3


Paano bang sumali at mag-invest sa stock?

Kung dati ka sasali sa pag-i-invest sa stocks, kailangan mo pang tumawag ng manu-mano para sabihin sa “broker” mo kung ano ang bibilhin mo sa stock market. Ang mga broker na tinutukoy ko ang siya lang pwedeng mag-process ng transaction mo. Swerte na nga tayo ngayon kasi halos lahat ng bagay ay naka-online na. Pati ang brokers ngayon online na. Ang isa sa mga pwede nating gamitin bilang online broker ay ang CITISECONLINE. Marami rin naming iba pang online brokers, pero sa palagay ko, sa ngayon, sila ang pinaka-okay na online trading platform sa Pilipinas (Kung mayroon po kayong alam na iba, mag-comment lang po tayo sa baba pagkatapos ng artikulong ito).

Madali na ang pag-invest sa stocks dahil nasa dulo na lang ng daliri mo ang pagbili at pagbenta ng stocks.

Sa mababang halaga na 5000 pesos, maaari ka ng magsimula at magbukas ng account sa kanila. Dahil baguhan ka pa lang naman, okay lang na dito ka magsimula. Ang tawag nila dito ay EIP o Easy Investment Program (May ibang program na ang minimum ay 25,000 pesos para makapagsimula. Ito ay para sa mga Regular Account ng traders o di kaya naman ay Corporate accounts).

Paano mag-open ng accounts?
Sa pag-open ng account, may 2 ways para magawa ito:

  1. Pumunta ka ng personal sa kanilang office upang mag-fill-up ng application form
  2. Ipadala mo sa kanila ang application forms sa pamamagitan ng courier gaya ng (LBC, FedEx, JRS Express, ToGo, DHL,e tc.)

Gumawa ako ng bukod na instructions tungkol sa pag-a-apply sa COL. I-click mo lang yung items 1 and 2 para sa complete instructions.

Pagkatapos i-process ng COL ang application mo, matatanggap mo na ang account details mo sa iyong e-mail account. At pwede ka ng mag-login sa kanilang online trading platform sa address na ito: https://www.colfinancial.com/

Bago ka mag-apply o habang nag-iintay ka ng approved account mo, pwede mo ng subukan yung 7-day trial nila para maging familiar ka sa gagamitin mong trading platform. Pwede kang gumawa ng demo account dito: https://www.colfinancial.com/ape/Final2/home/demo_account.asp

Siya nga pala, hindi mo kailangan na magpadala ng pera sa mismong opisina nila everytime na mag-i-invest ka (maliban sa unang pagpunta mo kung personal kang pumunta sa kanilang opisina). Pwede mo na itong gawin sa pamamagitan ng bank deposit sa kahit saang branch ng BDO, BPI, Security Bank, HSBC at Metro Bank.


Green Stickman™ Stocks Investing Tips

  1. Kung nakapag-desisyon ka na mag-invest sa stocks, bago ka mag-invest, siguruhin mo na ang money for investment ay “Extra Cash” mo lang. Mas makabubuti na buo muna ang iyong Emergency Fund. (Basahin mo rin ang artikulo kong “Ang Pagbuo ng Iyong Emergency Fund“)
  2. Kung naka-enroll ka na at ready ng bumili ng stocks, maigi mayroon kang pondo na at least 8,000 pesos sa account mo. Bagaman 5;000 pesos lang e makakabili at makakasali ka na, wala ka pa rin masyadong mabibili sa 5,000 pesos. Bawat kumpanya kasi ay may tinatawag na “Board Lot” kapag bumili ka ng shares. Para madali lang maintindihan, halimbawa gusto mo bumili ng stocks ng Jolibee na ang presyo ay P60 per share. Pero ang minimum shares na nire-require nila na kailangan mo bilhin para makasali ay 100 shares. Ibig sabihin kailangan mo ng 60 pesos/share times 100 shares…. 6,000 pesos para makabili ng shares ng Jolibee. Kung 5,000 pesos lang ang pera mo, di ka pa rin makakabili.
  3. Kung baguhan ka pa lang, tatak mo sa kukote mo na hindi para sa iyo ang “stocks trading”. Pag-aralan mo muna mabuti kung desidido ka mag-trading at baka mapunta sa wala ang pera mo at mamula ang portfolio mo. Malinaw naman yung mga sinabi ats isinulat ko kanina sa taas di ba? Remind ko lang sa’yo na ayon sa pag-aaral, 80% ng sumasali sa stocks trading ay natatalo dahil walang sapat na kaalaman. Ikaw rin, baka mapadagdag ka sa stock investors na pang 81%.
  4. Huwag mong i-focus ang pera mo sa isang pera mo sa isang kumpanya. Mag-diversify ka. Invest ka sa iba’t ibang companies.
  5. Kung bibili ka at namimili ng kumpanyang bibilhan mo ng stocks, maigi na ibase mo ito sa pang-araw-araw na pangangailan mo. Piliin mo yung kumpanyang may kinalaman sa kuryente, tubig, grocery store o mall at banko. Basta mga kumpanyang may kinalaman sa “basic needs” ng tao. Kung hindi ka tumitigil sa pagbabayad ng bills at gumastos sa mga ito, malabo rin na basta sila malugi hindi ba? Kung meron ka ng mga ito, saka ka bumili ng stocks para sa iba pa kagaya ng telepono o telcoms, real estates, fastfoods, broadcasting, mining, etc. Isipin mo lahat ng kumpanya na tingin mo ay nandyan pa rin kahit lumipas pa ang 10 o kahit hanggang 20 taon.
  6. stocks 101 ad 2

  7. Kung bumagsak ang presyo ng stocks ng isang kumpanya, isipin mo na ang katumbas nito ay SALE sa mga malls. Damihan mo ang bili. Pumakyaw ka dahil sa sobrang baba ng halaga ng stocks sa mga ganitong panahon at hindi mo pagsisihan lalu na pag nakita mong tumataas na uli ang halaga nito sa merkado.
  8. Kung bumaba man ang presyo ng nabili mong stocks ng isang kumpanya, wag ka matakot at wag mo basta hugutin ang pera. Tataas uli yan, magtiwala ka.
  9. Ang stocks investing ay pang-long term. Let it stay… Let it grow. Gawin mong piggy bank ang stocks para sa inyong extra cash. Every month, i-commit mo ang sarili mo na mag-invest sa mga kumpanya na gusto mong bilhin. Kailan ka magbebenta para sa mga good companies na nabili mo? After 20 years. Oo, seryoso ko. Cost Averaging ang tawag dito.
  10. Huwag ka padala sa tsismis. Okay lang na mag-observe ka sa mga forums ng mga stocks na binili ng iba pang stocks investor. Pero huwag kang magpa-apekto sa kung ano man ang marinig o mabasa mo na bababa o tataas ang presyo ng stocks ng isang kumpanya. Tumaas man ang presyo ng langis, magkaroon man ng political crisis, magkaroon man ng recession, dapat ay tuloy-tuloy lang tayo ng pagbili ng mga stocks ng inaakala nating good companies kapatid. Invest lang ng invest every month.
  11. Huwag kang padala sa nararamdaman mo pag nag-i-invest sa stocks. Kung bumaba, huwag mo hugutin ang pera. Kung tumaas ang presyo ng isang stocks, wag ka namang maging OA sa pagbili. Huwag tayong maging emotionally attached sa ating investments. Always look for cheapest to buy. Parang yung sinabi ko sa item number 6.
  12. Kung gusto mo updated at tips every week para sa iyong stocks investment or trade, I would suggest you to subscribe on my Stocks Reco service in IGAN. For more details, click HERE.

    www.iganstocksreco.com

    Bakit ko ito sina-suggest sa iyo? Dahil dito ay makaka-receive ka ng mga tips kung ano ang mga stocks na pwede mong bilhin, anong presyo mo ito bibilhin, at ano ang posibleng target price mo. Pero siyempre, hindi naman ito libre. Any convenience always comes with a price or extrang service fee. Pero panalo ka na rin dito lalu na kung baguhan ka pa lang sa stocks investing at malaki ang perang ipapasok mo.

Hanggang dito na muna ang usapan natin tungkol sa stocks 101. Inaasahan ko na medyo nalinawan ka na pagdating sa pag-i-invest sa stocks. Sa susunod na artikulo ko ay tatalakayin naman natin ang tungkol sa pag-i-ingat ng iyong Financial Accounts.

Kung tingin mo ay karapat-dapat itong i-share at malaman ng mga tao, share mo naman sa mga kaibigan mo sa Facebook at Twitter sa pamamagitan ng pagpindot sa mga buttons na ito:

Kung may katanungan kayo tungkol sa pag-i-invest sa stocks o di kaya naman ay may gusto kayong idagdag para sa ikabubuti ng kapwa nating mga Pinoy, mag-comment lang po tayo sa baba ng artikulong ito (Ngayon ay pwede na rin po kayong mag-comment sa artikulong ito gamit ang inyong Facebook account).

Tandaan natin na ang pag-i-invest ay hindi lang para sa mayayaman. At kung gaano kahirap na kitain ang pera, ganoon din naman kahirap na itabi at palaguin ito.

I hope you learn something from this article. Happy investing and trading! :)

Is this article helpful? Do you want to receive very useful stocks trading articles like this? Subscribe to Green Stickman Stocks Trading Newsletters to get updates! I am also giving a lot of freebies like cool e-books tips, and software delivered right into your mailbox.


SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Ang Pag-i-invest sa Mutual Fund
NEXT TOPIC: Ang Pag-iingat sa Iyong Financial Accounts


May tanong ka ba o gustong idagdag? Post mo lang dito:(Kung ayaw ma-post, pwede ka pa ring mag-post sa pinaka-ibaba ng article na ito.)



Is this post helpful? If it does, please help me to publish quality articles like this. Send some donation to keep this website alive by clicking the button below:

Be a Green Stickman™ fan. Click my Facebook "like" Button Here:
To all the people who clicked the "LIKE" button of my Fan Page, THANK YOU VERY MUCH! :D