Read the English Version of this article: Know How To Invest Your Hard Earned Money



PREVIOUS TOPIC: Ang Pagpa-plano ng Iyong Financial Life Goals
NEXT TOPIC: Pag-i-invest sa UITF

Okay, alam mo na kailangan mong magbudget (Kung napadaan ka lang dito sa artikulong ito, maigi na basahin mo rin muna ang artikulo kong BUDGET 101). At sa loob n budget ay kinakailangang hindi income at expenses lang ang nasa listahan kundi nararapat na mayroon kang SAVINGS. At sa loob ng isang Savings ay pumapaloob ang iyong emergency fund (Natalakay na natin ito sa artikulong Ang Pagbuo ng Iyong Emergency Fund), at mga financial life goals (Natalakay na rin natin ito sa aking arikulong Ang Pagpa-plano ng Iyong Financial LIfe Goals). Pag-usapan naman natin ngayon kung saan mo nararapat na ilagay ang mga perang ito. Hindi naman pwede na ilagay mo lang ang perang ito sa isang alkansya. Sa banko? Mabuti nga kung naisip mo na sa banko ilagay. Ang problema, sobrang liit ng tubo ng isang savings account na 0.25 % lang per annum. Kung ilalagay mo ang pera mo sa isang savings na may mababang interest, hindi mo matatalo ang “inflation”.


Ano ang Inflation?


Teka, ano ba muna ang inflation? Para madali nating maintindihan, ang inflation ang dahilan kung bakit bumababa ang halaga ng isang monetary unit pati na ang purchasing power mo.. Dito sa Pilipinas, tuloy tuloy ang pagbaba ng halaga ng piso taon-taon.

Ayon sa pag-aaral, ang inflation rate ng isang maunlad na bansa ay nasa 2% hanggang 3%. Kaya kung ilalagay mo lang ang pera mo sa isang savings account sa banko na may interest na 0.25% kada taon talo ka pa rin ng inflation rate ng 1.75% hanggang 2.75%.

Ano ang epekto ng inflation sa atin? Kung may tinabi kang 100,000 pesos sa banko sa isang savings account ngayong taon, next year hindi na parehas ang value ng pera mo. Oo mukha siyang tumubo at nagka-interest ng kaunti, pero ang totoo, bumaba ang halaga ng pera mo kung kaya bumababa rin ang purchasing power mo. Yung kayang bilhin ng pera mo this year ay hindi pareho ng kaya mong bilhin next year. Kung dati makakaraos ka sa maghapon gamit lang ang 300 pesos, next year baka 500 pesos na ang kailangan na baon mo kada araw. Mararamdaaman mo talaga ang epekto ng inflaton paggising mo pa lang sa umaga. Dahil pag bumili ka ng pandesal sa suki mong bakery, yung dating pisong pandesal na malaki, e dalawang piso na ang halaga. Kung may mabili ka man na piso ang isa e kasing laki na lang ata ng siomai kaya isang subuan lang e wala na. Kaya kahit itago mo ang pera mo sa savings account o kahit pa sa time deposit, ang inflation ay parang anay sa bahay na kumakain ng pera mo. Pinapababa niya ang halaga ng pera natin kahit na nakalagak pa ito sa banko.
Inflation
Ang mas malaking problema pa ay ito, nasa Pilipinas ka kapatid. At dahil hindi tayo nasa isang maunlad na bansa, hindi 2 -3 % ang inflation rate dito. Alam nyo ba na mula 1973 hanggang taong 2008, ang average inflation rate ng Pilipinas ay 11.1%? Ang pinakamalaki ay noong 1984 bago ang EDSA Revolution, na tumaas ang inflation rate ng hanggang 50%. Sa ulat na average inflation rate na ito ng Pilipinas, kung mayroon kang 24 pesos na na-save noong 1972, ang halaga na lamang nito pag dating ng 2008 o 2009 ay…. (DRUM ROLLS…jan-ja-ra-ran!!!.) ….. tumataginting na 0.65 pesos o 65 centavos! Ibig sabihin, sa ganitong rate, ang portfolio mo ay bumababa ng halos kalahati o mas higit pa kada sampung taon.

Kaya kailangan nating gumawa ng paraan para matalo ang inflation. Paano? Kailangan nating umisip ng paraan para mas tumaas ang ating income. Pwedeng mag-doble sipag ka at humanap ng ibang mga “raket” o mapagkakakitaan.. At isa na nga rito ay ang pag-i-invest.


Ano ba ang isang investment?


Nagkaka-idea ka na ba kung ano ang isang investment? Nabanggit ko kanina na kailangan nating humanap ng ibang pagkakakitaan di ba? Para madali nating maintindihan, ang investment ay isang paraan ng paglalagak o pagko-commit ng pera (bilang capital) na kung saan nag-e-expect tayo ng “something in return”. Syempre hindi naman tayo maglalabas ng pera basta-basta kung hindi tayo umaasa na may babalik na kita sa atin. Sa mundo ng Finance, malamang narinig niyo na yung tinatawag na ROI o Return on Investment. Sa madaling salita, ito yung kita mo sa inilabas mong pera o capital.

Gaya ng binanggit ko kanina, kaya gusto natin mag-invest ay upang matalo ang inflation rate. Ito ang main “purpose” natin. Pero bago ka mag-invest kailangan buo na ang iyong “financial life goals”. Kung wala kang idea tungkol dito basahin mo muna yung artikulo kong “Ang pagbuo ng iyong mga Financial Life Goals” saka ka magpatuloy sa pagbabasa ng artikulong ito.

Kung nabasa mo na ang tinutukoy kong artikulo, umaasa ako na nakapagsulat ka na ng mga bagay na sinabi ko doon.

Bago ka mag-invest siguruhin mo rin muna na buo ang iyong “emergency fund“. Bakit? Dahil hindi nararapat na i-invest mo ang emergency fund dahil itatali natin ang pera mo sa isang lugar na hindi mo basta pwedeng hugutin o i-withdraw.Ang pwede lang natin i-invest ay yung mga short-term goals at long-term goals mo.

Kung malinaw na ang mga Financial Life Goals mo, ang susunod na step ay alamin natin ang “risk profile” mo.
investment 101 advise 1


Ano ang “risk profile”?

Ang risk profile ay mabubuo natin sa pamamagitan ng pagsagot sa 3 katanungang ito:

  1. Ano ang iyong investment objective?
  2. Ano ang iyong investment horizon?
  3. Ano ang iyong investment personality?


Investment Objective


Bakit ka ba mag-i-invest? Ang sagot? Kasi bukod sa kailangan na ma-beat natin ang inflation, kailangang din naman na masunod ang sinulat mo sa plano o ng Financial Life Goals mo.

Depende sa isang tao kung ano ang gusto niya sa investment niya. Pwede na ang objective ay:
- preservation of capital – sa madaling salita ay upang hindi bumaba ang halaga ng pera mo. Halimbawa yung isang nag-retiro na nakatanggap ng “retirement benefit”, ayaw siyempre nya na magalaw o mabawasan ang retirement benefit na ginawa niyang pinaka-capital niya.

- regular income - pwede na umaasa ka na mula sa capital mo ay magkaroon ka ng regular na kita mula sa tubo o interest ng investment mo. Gaya ng naunang halimbawa kung ginamit ng isang tao ang kanyang “retirement benefit” bilang capital, syempre ang gusto niya ay kumita ang pera niya at magsilbing source ng kaniyang regular income kahit di na siya magtrabaho.

- growth in capital - Ito ang pinakagusto nating mangyari sa pera natin. Ang palaguin at palakihin ang perang ininvest natin. Ang lumaki ng lumaki ang capital at hayaan mong magtrabaho ang pera mo para sa iyo at maging isang stable na passive income.


Investment Horizon


Gaano ba katagal ang gagawin mong investment? Kung ang target mo ay makapagbakasyon sa ibang bansa next year, masyadong maikli ang investment horizon ang napili mo. Kadalasan ito ay may kinalaman sa deadline na sinet mo sa Financial Life Goals mo. May kinalaman din ito sa edad ng isang investor. Gaano na lang ba katagal bago ka magretiro sa trabaho? Ang investment horizon ay binubuo din naman ng 3:

  1. long-term
  2. mid-term
  3. short-term

Kung ikaw ay nasa edad 30 – 40, pwede kang mag-invest sa mga long-term ang investment horizon. Pwede tayong mag-invest sa mga investments na mataas ang “risk” ng pagkalugi. Oo, pwede ka malugi sa isang investment. Pero okay lang, bata ka pa naman e. Mababawi mo rin yan. At mas matibay ang tuhod ng mga taong nadadapa. Hehe… Natakot ka ba ng sinabi ko na mataas ang risk ng pagkalugi? Huwag kang matakot dahil kung kumita naman ito e malaki rin naman. Habang mas mataas ang risk ng isang investment, mas mataas din naman ang ROI nito. Kahit naman anong negosyo ganun. Habang mas malaki ang pinakawalan mong pera, mas malaki rin ang expected income mo. At dahil mas mahaba ang panahon mo para mag-invest, mas makikita mo ang “cycle” ng market, ang pagtaas at pagbaba nito. Advantage ito para sa iyo. Sa ganitong edad mas okay ang mga long term investments.

Kung ikaw naman ay nasa edad 40-50, masasabi natin na mas okay sa atin ang mid-term investment horizon. Dito medyo kailangan na nating mag-ingat sa pag-invest. Pero kung malakas pa rin ang loob mo pwede pa rin naman na mag-invest ka pa rin sa mataas ang risk depende nga sa nakalagay sa financial life goals mo.

At ang huli ay yung mga nasa 50-60 ang edad na mga nagbabalak ng mag-retiro sa trabaho. Short-term investment horizon na ang tipikal na kategorya nito. Madalas ang mga nasa ganitong edad ang objective ay more on “preservation ng capital” na may regular income. Pero kung iniisip ng isang taong na nasa ganitong horizon ay upang may maipamana sila sa kanilang mga anak at mga apo, pwede pa rin siyang lumaban sa mga high risk investment kahit nakapaloob siya sa isang maikling panahon.


Risk Personality

Ito ang personalidad ng isang investor na magsasabi kung gaano ka ba “kapalaban” at gaano kalakas ang iyong loob. Dito mo na maririnig yung mga salitang “conservative” at “agressive” na risk profile.

Kadalasan kung pupunta ka sa isang bangko at nakapag-decide na mag-invest, may papasagutan sa iyong exam. Wag kang matakot, walang passed o failed sa exam na yun na gaya ng sa school. Ang purpose ng exam na iyon ay upang mapayuhan ka nila kung saan mo dapat ilagay ang pera mo. Sasabihin nila sa iyo kung ang risk profile mo ba ay “conservative” o “agressive”. Ano yung conservative na risk profile? Sila yung mga taong takot na mawalan ng pera at malugi. Well lahat naman tayo takot na malugi syempre pero ang mga ganitong klase ng tao yung hindi nakakatulog ng maayos kakaisip ng pera niya na nilagay sa mataas na risk ng pagkalugi. Kung isa ka sa mga ito, hindi ka nila papasalihin sa pag-invest sa stock market at equity at baka atakihin ka sa puso pag nakita mo ang biglang taas at baba ng merkado.

Kung ikaw naman ay may high risk na profile, papayagan ka nila na ilagay ang pera mo sa mga investments instruments na mataas ang risks. So kung sa mga ganitong investments ang tinatarget mo, sagutan mo yung exam as if okay lang sa iyo na malugi ang pera mo. Tandaan, habang mas mataas ang risk, mas mataas din ang ROI. Pero syempre dapat maging matalino tayo pag nag-iinvest sa mga ganitong klase ng investments.

Kung hindi ka masyadong agressive at hindi rin naman masayadong conservative, kumbaga ay nasa gitna ka lang, pwede kang lumaban sa mga investments na may medium risk kagaya halimbawa ng Balanced-Equity.


Ano ano ba ang mga Investment Instruments na pwedeng paglagyan ng pera mo?

Ngayong alam mo na kung ano ang “risk profile” mo, makakapag-decide ka na kung anong investment instruments ang paglalagyan mo. Ano ang mga investments instruments na ito? Ito yung mga naririnig mo sa iba na Trust funds o UITF, Mutual Funds, Stocks, at iba pa. Nabanggit ko yung Balanced Equity kanina, ito ay isang halimbawa ng bank product na nakapailalim sa isang type ng investment instrument.

Ang investment instruments ay nahahati rin naman sa 3:

  1. Cash and Money Market Instruments
  2. Bonds
  3. Stocks and Equities


Cash and Money Market Instruments


Para madali lang maintindihan dito nabibilang ang iyong Savings Account. Ang mga nasa ilalim ng investment instrument na ito ay yung mga may fixed income at may kadalasang maturity na isang taon. Fixed dahil gaya ng savings account mo, pinapangakuan ka lang ng 0.25% na interest ng pera mo kada taon. Ang iba pang halimbawa nito ay yung Time Deposit Accounts o kaya ay yung tinatawag na Treasury Bills (T-Bills).


Bonds


Ang bonds naman ay isang klase ng “debt instrument”. Ibig sabihin ipinapautang mo yung pera mo sa isang corporation o kaya naman ay sa mismong gobyerno. Halos risk FREE ang pag-iinvest sa isang Bonds na ini-issue ng gobyerno kung ang nasabing gobyerno ay isang “stable government”.

Kapag nag-issue ng isang bond ang isang corporation o government, at ipinautang mo ang pera mo sa kanila, bibigyan ka nila ng mga “coupon” na may katumbas na halaga ng interest na napagkasunduan mo bilang Issuer (Investor) at ng Issuing Party(Corporation or Government) kada buwan. At mayroon ding kasunduan ng future date kung kailan maibabalik ng buo ang perang pinautang mo sa kanila. Isang halimbawa nito ay yung Treasury Bonds (T-Bonds).


Stocks and Equities


Ito na marahil ang uri ng investment instruments na gustong gusto mong marinig at matutunan. Sa lahat ng investment instument, ito ang may pinakamalaki ang posibleng kita pero ito rin ang may pinakamalaking chance na ikaw ay malugi kung hindi mo paglalaanan ng pag-aaral at panahon.

Ang investment instrument na ito ay maihahantulad mo naman sa Buy and Sell. Gaya ng sa palengke, ang stock market ay may mga buyers at sellers. Ang pinagkaiba lang ay yung uri ng paninda. Ang tinitinda rito ay yung mga stocks ng mga kumpanya. Bilang isang investor, pwede kang maging isang buyer at the same time ay pwede ka ring maging seller. Bilang “buyer”, naghahanap ka ng pagkakataon na bumili ng mga stocks na mababa ang halaga. Bilang “seller” naman, siyempre ang gusto mo e maibenta ang nabili mo sa mas malaking halaga. Applicable dito yung “BUY LOW, SELL HIGH”.

Sa stocks and equity rin nabibilang ang mga bank products na madalas mong marinig sa iba na Mutual Fund (MF) at UITF (Unit Investment Trust Fund). Yun lang may ibang proseso sila at mas pinaliit na scope dahil “SHARES” at “UNITS” ng stocks ang pinag-uusapan dito.
investment 101 advise 2

Hanggang dito na lang muna. Sa mga susunod na mga artikulo ko ay tatalakayin natin ng maigi ang mga investment instruments na pwede nating paglagyan ng ating pera. Abangan ninyo ang aking mga artikulo tungkol sa pag-iinvest sa Mutual Fund, UITF at Stocks.

Tandaan natin na ang pag-i-invest ay hindi lang para sa mayayaman. Maraming mga banko at financial institutions ang nag-o-offer ng mga investment instruments na may mababang halaga. Kung may extra kang 5,000 sa bulsa at buo na ang emergency fund mo, simulan mo na! Sabi nga ni Kris Aquino, “Now na!”.
:D

Kung may katanungan kayo tungkol sa pag-i-invest o di kaya naman ay may gusto kayong idagdag para sa ikabubuti ng kapwa nating mga Pinoy, mag-comment lang po tayo sa baba ng artikulong ito (Ngayon ay pwede na rin po kayong mag-comment sa artikulong ito gamit ang inyong Facebook account).

Kung tingin mo ay karapat-dapat itong i-share at malaman ng mga tao, share mo naman sa mga kaibigan mo sa Facebook at Twitter sa pamamagitan ng pagpindot sa mga buttons na ito:


Tandaan, kung gaano kahirap kitain ang pera, ganun din kahirap na itabi at palaguin ito.

Ooops, bago ko malimutan, in case na nagustuhan ninyo ang artikulong ito, at gusto niyo pang maka-tanggap ng mga artikulong kagaya nito, input nyo lang po ang inyong e-mail address sa form na nasa ibaba at si Green Stickman™ na po ang bahalang magpadala sa inyo ng mga updates.



SHOW ALL TOPICS: Go to Main Page
PREVIOUS TOPIC: Ang Pagpa-plano ng Iyong Financial Life Goals
NEXT TOPIC: Pag-i-invest sa UITF

greenstickman The BLOG Compilation



May tanong ka ba o gustong idagdag? Post mo lang dito:(Kung ayaw ma-post, pwede ka pa ring mag-post sa pinaka-ibaba ng article na ito.)



Is this post helpful? If it does, please help me to publish quality articles like this. Send some TIPS to keep this website alive by clicking the paypal button or sending Bitcoins to BTC address below:
paypalbtc
3HwMMYfNSWYSCa7fPtBoWKtW8mt9i6cpoe
btc
Click the QR Code or text above to copy the BTC Address.


OR better if you could support this website by buying my book (This is available both on paperback and e-book version)! A true Green Stickman avid reader would definitely have this one. Limited copies only for the paperback! So make sure to grab your copy.